Ikakasa simula ngayong Biyernes, Mayo 15, ang pamamahagi ng mid-year bonus para sa mga kwalipikadong kawani ng gobyerno gaya ng militar at uniformed personnel, batay sa anunsyong ibinahagi ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa ahensya, aabot sa ₱73.456 bilyon ang kabuuang mid-year bonus na inilaan para sa 1.9 milyong government employees sa bansa, ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Base sa isang pahayag na inilahad ni DBM Secretary Rolando Toledo, tanda raw ang pamamahagi ng bonus ng adhikain ng administrasyong bigyang prayoridad ang mga serbisyo-publiko at lingkod-bayan sa bansa.
“Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling prayoridad ng administrasyon ang kapakanan ng ating mga lingkod-bayan. Ang maagang pagproseso ng Mid-Year Bonus ay pagkilala sa kanilang sakripisyo, dedikasyon, at mahalagang papel sa paghahatid ng serbisyo publiko sa bawat Pilipino,” saad ni Toledo sa kaniyang pahayag.
Aniya, “Mula sa mga guro, nurse, sundalo, pulis, kawani ng gobyerno, hanggang sa mga nasa likod ng araw-araw na operasyon ng pamahalaan—ang bonus na ito ay simpleng pasasalamat ng gobyerno para sa inyong walang sawa, masipag, at tapat na paglilingkod sa bayan.”
“Tiniyak ng DBM na maagang nailabas ang kinakailangang pondo upang hindi maantala ang pagbibigay ng benepisyong ito. Nasa hurisdiksyon na ng kani-kanilang ahensya ang aktwal na pagproseso at pagpapalabas ng Mid-Year Bonus para sa kanilang mga kwalipikadong personnel,” giit pa ni Toledo.
Batay pa sa DBM, ang mga kwalipikadong kawaning tanggap ng nasabing bonus ay nararapat na nakapagbigay ng hindi bababa sa pinagsamang apat (4) na buwang serbisyo mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon; nananatili sa serbisyo ng pamahalaan hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon; at nakakuha ng hindi bababa sa satisfactory na performance rating sa nakaraang evaluation period o naaangkop na performance appraisal period.