HINDI lang si Angel Locsin ang umigtad sa post ni Jimmy Bondoc na excited siyang masarhan ang ABS-CBN, kundi pati na ang mga empleyado ng network, sa pangunguna ni Deo Endrinal, ang isa sa business unit heads ng Dos.
"Thousands of us working in ABS-CBN are thankful for the many opportunities, I think you should be thankful too,” caption sa post ni Deo na may photos ng mga naging project sa kanila ng singer, na sumusuporta sa administrasyon ni Pangulong Rody Duterte.
Tulad ng mga post ni Angel, agad itong sinagot ni Jimmy Bondoc:
“Sir Deo, boss, amo... linawin lang natin.
“1) Gratitude to the many good people in a certain network has NOTHING TO DO with the malicious news and info and alleged harassment cases that occur in its rooms;
“2) It also has ABSOLUTELY NOTHING TO DO with the alleged unlawful transfer of a network's ownership to the unwarranted benefit of a few individuals. That is for the courts to decide. And the grant or extension of a permit is the government's prerogative.
”3) Lastly, jobs need not be lost if there is a change of ownership. Bakit tatanggalin ang mga walang kasalanan? And if illegally removed, meron namang legal recourse ang employees.
“Are you saying that for example- KUNG MAPATUNAYAN nga na hindi makatarungan ang pag-ari ng isang indibidwal sa isang network, kakampi pa rin kayo sa lumabag sa batas? Tanong lang po, boss sir amo chief."
Ang susunod ay post ni Eric John Salut, publicity director ng Dreamscape Entertainment na pinamamahalaan ni Deo, kalakip din ang mga litrato ni Jimmy Bondoc na kuha habang nasa ABS-CBN:
"Parang 'di ka naman nakinabang sa ABS!"
Ito naman ang post sa Facebook din ng isang empleyado ng Dos na nagngangalang TP Adanza:
"Ayoko sanang mag-post tungkol sa 'yo, dude, kasi anniversary namin pero ang sakit, eh. Naging fan mo ako, eh. Niyaya ko mga boss ko noon para panoorin ka at nu'ng napanood ka, nagkaroon ng acoustic mania kung saan nagbida ka at ang musika mo. Nanood ako ng mga gig mo dude, eh - madaming beses. Inalagaan ka namin nu'ng ginawa natin ang twist and shout. Sa isang inuman pa nga sabi mo gusto mo mag-host ng noontime show sa network NATIN.
“Ang sakit, eh, kasi 'yung sinabi mo, masakit sa amin na nagtatrabaho nang maayos para masuportahan ang mga magulang namin na retired na, para may mapakain at pampaaral sa mga anak namin. 'Yung sinabi mo, dude na you can't wait na mawalan kami ng kabuhayan at matigil kami sa mahal naming trabaho hindi ko in-expect na masasabi 'yun ng kahit na sinong tao. And for the record, mahal namin ang trabaho namin at ang kompanya namin.
“Ang dami mong sinabi dude, eh. Hindi kami perfect, wala namang perfect, pero hindi kami madumi magtrabaho. Marangal kaming nagtratrabaho at tinuruan kaming magkaroon ng respeto sa lahat ng klase ng tao.
“Ang sakit talaga na marinig na may katulad mong excited na may mawawalan ng trabaho. Ganunpaman, hinding-hindi ko 'yan iwi-wish para sa 'yo. Nasaktan ako pero makaka-move on din ako, dude. Samantala, ito muna ang mga litrato ng masasaya nating pinagsamahan dito sa network na gusto mong magsara. God bless you.
'Do not boast about tomorrow, for you do not know what a day may bring.' --Proverbs 27:"
Nakatakdang mag-expire ang franchise ng ABS-CBN sa 2020 at ilang beses nang nagpahayag si Pangulong Duterte na haharangin niya ang renewal nito.
Ang House Bill No. 4349 para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN sa susunod na 25 taon ay naka-pending sa Congress.
Ang ABS-CBN ay may net income na P1.9 billion nitong nakaraang taon.
-DINDO M. BALARES