TATLONG makasaysayang simbahan sa Diocese of Dumaguete, na muling binuhay ng National Cultural Heritage of the Philippines (NHCP) sa pamamagitan ng pagpopondo ng pamahalaan, ang handa nang i-turnover sa local stakeholders.

Kabilang sa mga ito ang St. Isidore The Farmer Church sa bayan ng Zamboanguita, na pinondohan ng P9 milyon; St. Nicolas de Tolentino Church sa Dauin, P19 milyon; at ang San Isidro Labrador Church sa Lazi, Siquijor, P39 milyon.

Ang mga simbahan sa Zamboanguita at Dauin sa Negros Oriental ay handa nang i-turnover at ilan na lamang ang kailangan gawin, gaya ng paglilinis at polishing, habang sa Lazi, Siquijor ay 90 porsiyento nang kumpleto, ayon kay Carminda A. Arevalo, Deputy Executive Director for Administration of the NHCP.

Si Arevalo at kayang grupo na dalawang NHCP engineers at isang architect ay bumisita sa bayan ng Lazi nitong Miyerkules, upang inspeksiyunin ang nagaganap na muling pagbibigay buhay sa San Isidro Labrador Church, isang Spanish-era church na itinayo noong 1800s, na idineklara ng National Museum of the Philippines na National Cultural Treasure.

Una rito, binisita rin nila ang bayan ng Dauin at Zamboanguita para sa huling inspeksiyon sa mga proyekto.

Inumpisahan ang Lazi project sa itinakdang schedule at matatapos sa huling bahagi ng Hunyo o unang bahagi ng Hulyo. Ayon sa kanya, ang turnover ay maaaring sa Hulyo, depende sa availability ng Simbahan at local officials at iba pang stakeholders.

Umaasa si Arevalo na ang turnover ceremonies sa tatlong simbahan ay matatapos sa isang setting sa pagkonsidera sa budgetary requirements para sa pagdalo ng NHCP officials mula sa Maynila.

Pinasalamatan ni Arevalo ang locals at Commission on Church Cultural Heritage, sa pamumuno ni Msgr. Julius Perpetuo S. Heruela, para sa kanilang patuloy sa pag-antabay sa proyekto.

Ayon kay Architect Donking O. Roque, ng NHCP, kailangan na lang ng Lazi Church ng lighting fixtures, at floor tiles.

Ayon kay Roque, ginagawa ng NHCP ang lahat upang maibalik sa dati ang mga Simbahan, base sa malalimang pagsasaliksik at panayam.

-PNA