Sugatan ang isang konsehal ng District II ng Makati City nang maaksidente sa nasabing lungsod, nitong Huwebes.
Dinala sa Makati Medical Center si Nemesio "King" Yabut, Jr., nasa hustong gulang, tumakbong congressman ng naturang distrito sa lungsod, ngunit natalo.
Sa inisyal na ulat ni Maj. Gideon Ines, Jr., ng Makati City Police, naganap ang aksidente sa kahabaan ng Ayala Avenue Extension, Barangay San Antonio sa nasabing lungsod.
Minamaneho ni Yabut ang kanyang sasakyan at binabagtas ang naturang lugar nang mabangga ang kasabay na isang sasakyan saka nabangga ang nakaparadang ABS-CBN mobile sa Makati City Police Station.
Sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang harapan ng kotse habang nayupi ang likurang bahagi ng mobile.
Nakaramdam ng pananakit sa balikat si Yabut kaya agad siyang isinugod sa ospital.
Sa imbestigasyon, galing sa party si Yabut at posible umanong nakainom ng alak nang mangyari ang aksidente.
Mahaharap si Yabut sa kasong reckless imprudence resulting in damage to properties.
-Bella Gamotea