July 10, 2026

Home BALITA

‘Tutol ako!' Sen. Risa, muling umayaw sa pagpapababa ng edad ng criminal liability

‘Tutol ako!' Sen. Risa, muling umayaw sa pagpapababa ng edad ng criminal liability
Photo courtesy: via MB

Tinutulan ni Sen. Risa Hontiveros sa panukalang ibaba ang minimum age of criminal liability, kasunod ng panibagong panawagan na baguhin ang umiiral na batas matapos ang madugong pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City.

Sa isang forum nitong Huwebes, Hulyo 2, 2026,  sinabi ng senadora na bagama't hindi siya sang-ayon sa pagpapababa ng edad para panagutin sa batas, ngunit, handa naman siyang suportahan ang pagrepaso at posibleng pag-amyenda sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act upang mas mapalakas ang mga programa para sa mga batang nasasangkot sa krimen.

"Tutol ako sa pagpapababa ng minimum age for criminal responsibility,” ani Hontiveros.

Dagdag pa niya, "Pero sang-ayon ako na dapat i-review at i-evaluate at kung kinakailangan i-amend para palakasin yung Juvenile Justice and Welfare Act lalo na sa usapin nang pagmamandato at pagsuporta sa mas komprehensibo at epektibong intervention at diversion programs sa mga children in conflict with the law kasama mga nakakagawa ng heinous crimes sa mga kapwa bata tulad nang sa Tacloban and always, always based sa principle ng best interest of the child."

Ipinunto rin ni Hontiveros na may mga kakulangan sa kasalukuyang mga batas na kailangang tugunan, lalo na sa kakayahan ng mga ahensya ng pamahalaan na maagapan ang mga banta sa digital space.

#WalangPasok: Class suspensions ngayong July 10

"May mga gaps sa current legislation na hindi timely at epektibong nae-equipt ang iba't-ibang ahensya na i-disrupt at harangin at hulihin ang malign actors sa digital spaces... Nagsisimula na kami mag-usap na punuin ang gaps in terms of amendment sa mga kasalukuyang batas o pagsasabatas ng bago rin,” saad pa ng senadora.

Lumakas ang panawagang amyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act matapos ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at ilan pa ang nasugatan. Dalawang menor de edad na may edad 14 at 15 ang itinuturong sangkot sa insidente.

KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas! 

Sa ilalim ng Republic Act No. 9344, ang batang may edad 15 pababa sa oras ng paggawa ng krimen ay hindi maaaring papanagutin sa ilalim ng criminal liability at sa halip ay isasailalim sa intervention program. 

Samantala, ang mga edad 15 pataas ngunit wala pang 18 ay maaari lamang managot kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment.