Dalawa sa pitong suspek sa panununog ng Vote Counting Machine (VCM) at election paraphernalias ang inaresto sa Barangay Diarao, Jones, Isabela, kahapon.
Kinilala ni Isabela Police Provincial Director, Col. Mariano Rodriguez, ang dalawa na sina Jayson Leaño, nasa hustong gulang, ng Bgy. Sta. Isabel, ng nasabing bayan, at Rodel Pascual, nasa hustong gulang.
Aniya, ang dalawa ay dinampot sa isinagawang follow-up operation sa Bgy. Diarao, ng nabanggit na bayan.
Sa ulat ng pulisya, isinasangkot ang dalawa sa panununog ng dalawang VCM sa Bgy. Sta. Isabel, nitong Martes ng umaga.
Ayon kay board of elections inspector (BEI) Arly Borromeo Santos, dadalhin na sana nila sa munisipyo ng naturang lugar ang mga VCM at election paraphernalias mula sa mga polling precinct ng Bgy. Dicamay 1 at 2 nang harangin ng pitong suspek ang kanilang sinasakyang dum truck, dakong 6:20 ng umaga.
Nang makarating sa bahagi ng municipal road, inatasan ng mga suspek ang mga ito na ibaba ang VCM at election paraphernalia na agad na sinilaban ng mga ito.
Sinabi pa ni Borromeo, ang nasabing VCMs ay naglalaman ng 200 na hindi pa nababasang balota.
Sinabi pa ng pulisya, tumakas ang mga suspek sakay ng isang pick-up car.
-Liezle Basa Inigo