CAMP COL. RAFAEL C. RODRIGUEZ, Butuan City – Arestado ang isang alkalde sa Surigao del Sur nang masamsaman ng mga baril, bala, pampasabog at ilegal na droga sa bahay nito sa bayan ng Lingig sa nasabing probinsiya, nitong Huwebes.
Nasamsam din ng awtoridad ang malaking halaga ng pera sa bahay ng alkalde, base sa natanggap na ulat.
Inaresto si incumbent Lingig town Mayor Roberto M. Luna, Jr., sa pamamagitan ng search warrant, na inisyu ni Judge Catalina Shenita M. Tare-Palacio, ng Regional Trial Court 11th Judicial Region Branch 41 ng Cantilan, Surigao del Sur, na may petsang Mayo 2, 2019 sa umano’y paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition).
Kabilang sa mga nasamsam ang isang Colt caliber .45 pistol, magazine na kargado ng bala ng caliber. 9mm, magazines ng .45 caliber pistol at KG9, rifle grenade, at pinatuyong mga dahon ng marijuana.
“Our operatives also seized P2million cash, as the P100 bills were placed in white envelopes with sample ballots,” ayon kay P/Brig. Gen. Gilberto DC Cruz, regional director ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13).
Kakasuhan ang alkalde sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 9516 (illegal possession of explosive), ayon kay Brig. Gen. Cruz.
Ang suspek ay nasa kustodiya ng CIDG RFU 13.
-Mike U. Crismundo