Tatlong hinihinalang miyembro ng Islamic State (ISIS) support group, na nagtayo umano ng kampo sa Metro Manila, ang dinampot ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa magkahiwalay na operasyon sa Parañaque City at Rizal, ngayong Biyernes.
Kinilala ni Police Lieutanant Colonel Arnold Thomas Ibay, CIDG-National Capital Region (NCR) regional chief, ang mga suspek na sina Norodin Manalinding, Cairo Manatao, at Tagoranao Sarip, Jr.
Ayon kay Ibay, si Manalinding ay nagsisilbing finance facilitator at recruiter ng Marawi-based ISIS-Daulah Islamiyah Ranao extremist group.
Samantala, sina Manatao at Sarip ay miyembro umano ng nasabing ISIS support group.
Inaresto ang mga suspek sa hiwalay na operasyon sa Baclaran, Parañaque City at Cainta, Rizal dakong 3:30 ng madaling araw at 6:00 ng madaling araw, ayon sa pagkakasunod.
Isiniwalat ni Ibay na ang mga operasyon ay bunga ng pagkakaaresto ng isa pang miyembro ng grupo, si Jeran Aba, alyas "Paito Pangadaman Liwal’g" at "Abu Sinan," sa Quiapo, Maynila noong Disyembre 25, 2018.
"Dito nagsimula ang operations, ang information na nakuha doon led to the operations that we have now," sabi ni Ibay sa mga mamamahayag sa Camp Crame.
"Ang initial information na nakuha natin, support cell sila ng ISIS that are based here. So if meron silang operations, ang extremist group na ito they will form part of the support group," dagdag niya.
Gayunman, nilinaw ni Ibay na wala silang na-monitor na plano ng grupo na magsagawa ng pag-atake sa eleksiyon sa Lunes.
"So far walang [impormasyon] tungkol doon. This operation is in connection sa revelation sa unang nahuling member nila," paliwanag niya.
-Martin A. Sadongdong