Isasagawa ng Department of Education ang ika-16 na Brigada Eskwela sa Mayo 21-25.

BRIGADA

Sa pamamagitan ng External Partnerships Service (EPS), nabatid na ipatutupad ng DepEd ang Brigada Eskwela, o ang National Schools Maintenance Week, simula sa Mayo 20 hanggang Mayo 25, o isang linggo matapos ang halalan sa Lunes.

Ang national kickoff program at caravan naman para sa proyekto ay isasagawa sa Mayo 16 sa Alfonso Central Elementary School sa Cavite.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Ayon sa DepEd, ang Brigada Eskwela ngayong taon ay may temang “Matatag na Bayan para sa Maunlad na Paaralan.”

Sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones na ang Brigada Eskwela ay higit pa sa paglilinis at pagsasaayos ng paaralan, dahil ito ay pagtiyak din sa kaligtasan ng mga estudyante habang sila ay nasa paaralan.

Nabatid na sa nakalipas na 15 taon ng programa, patuloy na lumalawak ang Brigada Eskwela at noong 2018 ay nakalikom ng kabuuang P4.66 bilyong halaga ng mga resources.

Dumarami rin ang mga volunteers nito sa bansa, na mula sa 11 milyon noong 2017 ay dumoble at naging 22 milyon noong 2018.

Sa Hunyo 3, 2019 itinakda ng DepEd ang pagbabalik-eskuwela sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

-Mary Ann Santiago