Bababa ng mahigit 27 sentimo kada kilowatt hour (kWh) ang singil ng Meralco ngayong Mayo.
Ayon sa Meralco, dahil sa pagbaba ng singil sa kuryente ng kabuuang P0.2728/kWh, umaabot na lang sa P10.2866/kWh ang overall electricity rates ngayong buwan, kumpara sa P10.5594/kWh nitong Abrik.
Sinabi ng electric company na ang pagbaba ng singil ay dulot ng malaking bawas sa singil sa generation charge, supply ng mga kakontratang planta, transmission charge, at iba pang mga buwis.
Ipinaliwanag pa ng Meralco na bagamat P3.53/kWh ang itinaas ng presyo sa spot market, ay na-offset naman ito ng mas mababang rate ng Independent Power Producers (IPPs) at Power Supply Agreement (PSA).
Ayon sa Meralco, ang bawas-singil ay nangangahulugan ng P55 matatapyas sa bayarin ng mga kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, at P82 naman sa nakagagamit ng 300 kWh kada buwan.
Mababawasan naman ng P110 ang bayarin ng mga nakakakonsumo ng 400 kWh kada buwan, at P136 sa gumagamit ng 500 kWh bawat buwan.
-Mary Ann Santiago