MATAGAL na akong observer at nagsusulat tungkol kay Kris Aquino, pero hindi ko pa siya personal na nakoberan habang nagsasalita sa itaas ng campaign stage.

KRIS

Matagal na panahon na ang nakararaan, bago pa man ngayong kinaaaliwan ng millennial fans na mommy o madam ang tawag sa kanya, una siyang bumulaga sa consciousness ng mga Pilipino bilang bibong paslit na nagtatalumpati sa Sta. Cruz Plaza sa Maynila noong anim na taong gulang pa lamang para ikampanya ang ama.

Nang panahong iyon, si Ninoy Aquino ay anim na taon na ring nakakulong, nagsimula nang ideklara ni Marcos ang Martial Law.

Tsika at Intriga

'Ate Girl' Jackie Gonzaga, naloka; buntis daw, si Ion Perez ang ama?

Noon natuklasan ang likas na kahusayan ni Kris sa public speaking. At ito na nga mismo ang naging buhay at hanapbuhay niya.

Binalak kong saksihan ang muling pagtuntong niya sa stage habang nangangampanya nitong nakakakober na ako sa personal appearances niya, pero saka naman siya nagkuwento na hindi na siguro siya makakapaglibot para ikampanya ang mga kandidatong gusto niya.

Saka ko rin lang nabanggit ang inaasahan ng mga kakilalang street parliamentarians (sa social media na mas aktibo ngayon), na pagkatapos ng entertainment industry at business, inaasahan nilang public service ang papasukin niya.

"Mahihirapan na, Kuya Dindo," sabi niya, "kung gusto akong ma-dead ng mga kalaban ko, iimbitahan lang nila ako everyday sa tree-planting o pasasabuyan ako ng isang sakong alikabok, win na sila!"

Na-diagnose nga kasi siya ng urtecaria, ang autoimmune disease na sanhi ng malubhang allergies niya sa iba't ibang pagkain, alikabok, mga punongkahoy at maraming iba pa.

Pero nitong nakaraang Lunes ng gabi, biglang natupad ang dream kong masaksihan si Kris sa campaign sortie. Bagamat lumalabas na surprise personal birthday greeting kay Anne Binay, doon niya ito pinuntahan sa caucus sa Barangay Rizal ng kapatid na si Junjun Binay na muling tumatakbong mayor ng Makati.

Madalian ang pasabi niya sa pamamagitan ng kanyang trusted assistant na si Alvin Gagui. Manggagaling sila sa surprise personal birthday greeting din niya sa pinsang si Sen. Bam Aquino sa San Pedro, Laguna. Naroroon din ang kasamahan ni Sen. Bam sa Otso Diretso na si Chel Diokno, na batay sa mga kuhang litrato ay buong lugod ang pasasalamat sa pagpapahayag ni Kris ng suporta sa kanya. Sa biyahe pabalik ng Pilipinas mula sa quarterly check-up sa Singapore, T-shirt na may picture ni Chel Diokno ang suot ni Kris.

Sa mga sosyal na lugar ko namamasdan si Kris na dinudumog ng mga kababayan natin, pero mas may goosebumps ang init ng reception sa kanya ng mga pangkaraniwang mamamayan. Presence pa lang, hiyawan at napakasaya na ng lahat.

Eh, nang magsalita na, hayun na, hagalpakan na!

Kasi bukod kina Anne at Junjun, present din si Sen. Nancy Binay na kumakandidato for re-election at ang kanilang inang si Dra. Elenita Binay.

Bukod kasi sa masasayang insider's anecdotes na magkaibigang pamilya lang ang nakakaalam, tulad halimbawa ng sinadyang sabay na birthday nina Anne at Nancy dahil gustong makatipid sa celebrations ang parents, nagkuwento rin si Kris na naligaw sila ni Erik Santos ng pinuntahang sortie.

Kasabay niya sa sasakyan si Erik, pero sa halip na diretso sa caucus ni Junjun, sa sortie ni Abby Binay sila dinala ng Waze.

Napakahusay ni Kris maglahad ng mga ganitong kuwento, kaya panay ang hagalpakan ng mga tao. Pati ang magkakakamping sina Junjun, Anne, Sen. Nancy at ang kanilang ina, panay ang hagikgik.

"Pamilya pa rin ang pinakaimportante," wika ni Krisy na tila mensahe niya sa pamilya Binay, "kaya anuman ang mga nangyayari ngayon, sana pagkatapos ng mainit na pulitika, eh, buong pamilya pa rin ang matira."

Saglit kaming nagkita ni Kris pagkatapos niyang magsalita.

"Narinig mo ba 'yong mga sinabi ko, Kuya Dindo?" tanong agad niya.

Ipinagmamalaki kasi niya sa private conversations namin na nagma-mature na siya. Totoo naman talaga.

Lalo tuloy akong naniwala sa sinasabi ng mga kaibigan ko, na sa public service ang logical na next step ni Kris.

'Yon nga lang, nakakakaba 'pag tinatapangan niyang lumabas sa mga lugar na maraming tao o puno at maalikabok, lalo na't 80/60 lang ang blood pressure niya nang araw na iyon.

Very ironic, dahil tulad nitong Lunes ng gabi, namamasdan ko na parang nadadagdagan ang energy ni Kris kapag nagsasalita siya sa harap ng napakaraming tao.

-DINDO M. BALARES