Raptors at Nuggets, tumabla sa 2-2 sa NBA conference semifinals
PHILADELPHIA (AP) — Ratsada ang opensa ni Kawhi Leonard sa nakubrang 39 puntos, tampok ang three-pointer sa krusyal na sandali para gabayan ang Toronto Raptors sa 101-96 panalo kontra Philadelphia 76ers sa Game 4 nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Naitabla ng Raptors ang best-of-seven Eastern Conference semifinals sa -2-2.
Nag-ambag si Marc Gasol ng 16 puntos, habang kumana si Kyle Lowry ng 14 puntos para tuldukan ang two-game losing skid ng Raptors. Nakatakda ang Game 5 sa Martes (Miyerkoles sa Manila).
Nanguna sa Sixers si Jimmy Butler na may 29 puntos, habang umiskor si JJ Redick ng 19 puntos. Target ng Philadelphia na makausad sa conference finals sa unang pagkakataon mula nang maihatid ni hall-of0-famer Allen Iverson ang Sixers sa pedestat ng NBA Finals noong 2001.
Nasibak naman ang Toronto, No. 2 seed matapos ang impresibong 58 games win sa elimination round, sa semifinals sa nakalipas na dalawang season.
Nalimitahan ang Sixers star center Joel Embiid sa 11 puntos matapos umiskor ng 33 puntos sa dominanteng 21-point victory sa Game 3.
NUGGETS 116, BLAZERS 112
Sa Portland, Oregon, kumawala sa mahigpit na depensa ng Portland si Nikola Jokic tungo 21 puntos, 12 rebounds at 11 assists -- para sa ikalawang sunod na triple-double at ikaapat sa kabuuan ng playoffs.
Nanguna si Jamal Murray sa Nuggets sa nahugot na 34 puntos.
Nagsalansay sina CJ McCollum at Damian Lillard ng 29 at 28 puntos, ayon sa pagkakakasunod.
Naungusan ng Denver ang Blazers 27-14 sa third quarter para sa 84-77 bentahe.
Nakadikit ang Blazers sa 96-99 mula sa krusyal na tira ni Al-Farouq Aminu’ may 4:12 ang nalalabi.
Muling umarya ang Nuggets, ngunit nakabawi ang Blazers para muling mailapit ang iskor sa 10-107 may 52 segundo ang nalalabi sa laro. Isang layup ni Lillard ang nagpagalawa sa iskor na 112-110.
Halos 48 oras lang ang ipinahinga ng magkabilang kampo matapos ang nakapapagod na quadruple-overtime victory, 140-137, para sa 2-1 bentahe ng Blazers. Ito ang ikalawang pagkakataon sa kasaysayan ng NBA na nakapagtala ng apat na OTs. Una noong 1953.