Arestado ang isang call center agent nang masamsaman ng hinihinalang marijuana habang papasok sa Cubao Station ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa Quezon City, nitong Linggo.
Ayon kay Police Lt. Col. Giovanni Caliao, hepe ng Quezon City Police Station 7 (PS-7), si Joseph Regaro, 21, ng Pasay City, ay nasa kanilang kustodiya.
Sa pahayag ng duty security guard na si Roberto Hagoot, papasok na si Regaro sa south entrance gate ng LRT-2, bandang 2:18 ng hapon.
Habang iniinspeksiyon niya si Regaro, nakuha niya ang isang pakete ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana sa harapang bulsa ng sweat shirt nito.
Agad na humingi ng tulong si Hagoot sa PS-7, na umaresto sa suspek at dinala sa pulisya para sampahan ng kaso.
Kinasuhan si Regaro sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Alexandria San Juan