SA mga anak ni Vic Sotto ay namumukod-tanging si Vico Nubla Sotto, na anak niya kay Coney Reyes, ang interesadong magtrabaho sa gobyerno.
Ang panganay na si Oyo ay sinundan ang yapak ng ama, ang pag-aartista at siya ngayon ang nagma-manage ng MZet Productions, samantalang ang kapatid nitong si Danica ay may ibang negosyong pinagkakaabalahan. Ang dalawa ay anak ni Vic kay Dina Bonnevie.
Ang pang-apat na anak ni Vic kay Angela Luz na si Paulina Luz Sotto-Llanes ay mahilig magpinta na namana sa lolong national artist awardee in visual arts na si Arturo Luz.
Bata pa ang bunsong anak ni Vic sa asawang si Pauleen Luna Sotto na si Baby Talitha kaya hindi pa alam kung ano ang kahihiligan nito paglaki.
Going back to Vico ay wala siyang hilig sa pulitika pero gusto niyang magtrabaho sa gobyerno.
Parehong artista ang magulang ni Vico pero hindi niya naisip na pasukin ang pag-arte.
“Alam n’yo, never akong naging interesado sa showbiz at sa katunayan, naalala ko nu’ng bata ako na talagang lagi nila akong gine-guest kahit birthday lang, mag-appear ako sa Eat Bulaga, kayo po na nagko-cover never n’yo akong nakita diyan, lalabas lang ako kapag pinilit lang saka matanda na ako nu’ng lumabas ako.
“Mahiyain po kasi talaga ako nu’ng bata ako. I think ‘yun ang dahilan kung bakit hindi ako kumportable sa showbiz. Hindi ako naging kumportable na sikat ‘yung magulang ko, lalo na nu’ng bata ako,” kuwento ni Vic.
Kaya iginalang naman daw nina Vic at Coney ang desisyon ni Vico na ayaw nitong mag-showbiz.
“Malaki po ang pasasalamat ko sa magulang ko kasi hindi sila nakikialam sa akin pagdating sa trabaho. They give advise, they give encouragement pero hindi po sila nakikialam. They let me make my own decisions, “saad ng binatang 29-anyos.
Klinaro ni Vico na hindi siya mahilig sa pulitika. Basta ang gusto niya ay magtrabaho sa gobyerno.
“Eversince I was 10 years old or even younger, I always wanted to work in government so whether elected or appointed officer basta ang puso ko po gusto kong magtrabaho sa gobyerno,” saad ni Vico.
David and Goliath ang labanan sa pagka-Mayor sa Pasig City. Ang incumbent mayor sa nasabing lungsod ay si Robert ‘Bobby’ C. Eusebio.
Sa local chief executives ay si Pasig City Mayor Robert Eusebio ang pinakamayaman na may net worth na P148.16 million.
Hindi ba natatakot si Vico na higante ang kakalabanin niya sa pagka-Mayor?
“Para sa akin po, maiksi lang ang buhay kaya dapat manindigan tayo, puwedeng magpatakot tayo o intimidasyon. Kung tama po ang ginagawa natin, dapat tumindig po tayo.”
Ang limang pangunahing plataporma ni Vico ay:
1. Kalusugang pangkalahatan (libreng konsultasyon, gamot, ospital at gastusing medikal) sa ospital at health center ay ibibigay na ang mga kailangan at hindi na pipila sa City Hall para humingi ng tulong.
2. Pabahay – Tulungan ang bawat pamilyang Pasigueno na magkaroon ng sariling tirahan.
3. Edukasyon – Uuland lang ang bayan kung edukadong de-kalidad ang mamayan, palawakin ang scholarship program.
4. Konsultasyon bago aksyon – patakaran sa TODA presyo, ng puwesto sa palengke, lahat ng aksyon ay idadaan sa makabuluhang konsultasyon.
5. Laban kontra kurapsyon – mamumuno ng tapat. Hindi tatanggap kahit piso sa mga lagay, kickback o SOP mula sa mga proyekto ng gobyerno. Kung totoong 20% ang pinakamababang kickback sa ngayon ay dito palang makakatipid na ang pamahalaan at madadagdagan ang benepisyo at tulong na matatanggap ng mga Pasigueño.
Reggee Bonoan