Tiyak na sa ngayon, aware na ang mga taga-Pasig na well loved ng pamilya si Vico Sotto.

Vico Sotto

Vico Sotto

Sa iba't ibang pagkakataon, nasasaksihan nilang sinasamahan siya sa campaign sorties ng mga magulang na sina Vic Sotto at Coney Reyes at mga kapatid na sina Oyo Boy at Danica at maging ng stepmother na si Pauleen Luna.

Ang ibang anak na pinalaking komportable ng maykayang parents, mas gugustuhing manatili sa airconditioned nilang bahay, hindi papangarapin ang pinasok ni Vico, lalo na ang pagsabak sa mayoralty race katunggali ang mga Eusebio na tatlong dekada nang nakapuwesto sa Pasig.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Mas batang tingnan sa edad na 29, pinaghandaan na ito nang husto ni Vico. Isa siya sa young bloods ng Philippine politics na nagtungo sa Naga City para matutuhan ang mga ginawa roon ni Mayor Jesse Robredo. May mga programa sa Naga na gusto niyang kopyahin sa Pasig, tulad ng people's participation sa governance.

Kung may mga bata pang nagpapakita ng interes sa arts, science, entrepreneurship, at iba't iba pang larangan, good governance naman ang umakit kay Vico. Graduate siya ng AB Political Science sa Ateneo de Manila University at may Master's Degree in Public Management sa Ateneo School of Government.

Ano ang nagtulak sa kanya para pumasok sa pulitika?

"Actually, hindi po. Hindi ako mahilig sa pulitika, eh. Gobyerno po talaga. Eversince I was 10 years old or maybe even younger, I always wanted to work in government. So whether elected, appointed, career officer basta ang nasa puso ko talagang gusto kong magtrabaho sa gobyerno," kuwento ni Vico nang makapanayam namin nito nakaraang weekend.

Paano nagsimula ang fascination niya sa governance?

"One of my biggest influence is Kuya LA. Ang iba sa inyo baka kilala si LA Mumar, anak ni Mama with Larry Mumar, the basketball player. Naging malaking influence siya sa akin na maging interesado sa gobyerno, kasi 11 years ang tanda niya sa akin. So 'pag galing ko siya ng college, ako grade school, minsan sa bahay pag-uwi niya kung ano 'yong natutunan nila sa klase, Development Study major po s'ya, itinuturo niya sa akin. 'Tapos kinu-quiz n'ya pa ako kinabukasan kung binasa ko ba talaga ang mga 'pinapabasa n'ya.

"So from a very early age I was exposed to government related subjects. Pero no'ng panahon na 'yon 'di ko pa naman masyadong naiintindihan s'yempre, ten-eleven years old, ‘di ba? Pero 'yong interest never nawala, and eventually 'yong interest na 'yon nag-develop po s'ya sa isang passion po sa mabuting paggogobyerno."

Kung siya ang pipiliin ng mga Pasigueño sa Mayo 13, ang ang gagawin niya?

"Unang-una, ititigil natin ang pang-aabuso sa kapangyarihan. 'Yon bang 'pag makita lang na kinamayan 'yong kalaban ay tatanggalin na sa trabaho. Meron sa amin, tinulungan lang kaming mag-ayos ng sound system, tinanggal na bilang street sweeper.

“Hindi naman siguro sekreto ang corruption sa gobyerno natin, again, I'm not accusing anyone pero sa isang banda alam naman natin na totoo 'yan. Kaya kailangan po nating mga pulitiko na bago, fresh, hindi pa disillusioned sa pulitika. Kailangan 'yan po ang mga tumindig, kailangan sila ang manindigan, para sa gobyerno alam natin ang tama."

Sawa na ang mga Pilipino sa mga pulitikong puro pangako, ano ang pagkakaiba niya?

"I make it a point not to make many promises. Basta ang numero unong pangako ko sa taumbayan kung bibigyan nila ako ng pagkakataon, wala pong mapupunta sa bulsa ko kundi ang suweldo ko. 'Yan ang number one na pangako ko. Dahil kung ganyan ang gagawin, naniniwala ako na sa 10.7 billion ng Pasig kada taon, napakarami pang puwedeng gawin.

"Hindi ako nangangako na... ang iba kasi sasabihin, o bibigyan ko kayo ng ganito, gagawa ako ng ganitong programa, lahat po 'yan nasa plano, pero alam naman natin na sa paggogobyerno 'di naman talaga natutupad. So, ako umiiwas ako sa mga pangako. Basta 'yon po ang number one na pangako ko, walang mapupunta sa bulsa ko kundi ang suweldo ko.”

Bakit hindi siya sumunod sa mga yapak nina Vic at Coney sa showbiz?

"Alam n'yo, never akong naging interesado sa showbiz. Sa katunayan, naalala ko pa no'ng bata ako, talagang lagi nila akong 'gini-guest, kahit birthday lang mag-appear man lang ako sa Eat Bulaga, pero kayo po na mga nagkokober sa showbiz never n'yo akong nakita d'yan. Lumalabas lang ako 'pag talagang napilit lang, saka matanda na ako no'ng lumabas ako. No'ng bata ako talagang ayaw ko, umiiyak pa 'ko no'n, naghahabulan kami ni Mama no'n para sa birthday greeting kay Papa sa Eat Bulaga.

"Mahiyain talaga ako no'ng bata ako, I think 'yan ang dahilan kung bakit 'di ako komportable sa showbiz. 'Di ako naging komportable na sikat ang mga magulang ko lalo na no'ng bata ako. Pero siyempre no'ng tumanda na, nasanay na rin."

Hindi siya pinigilan ng mga magulang niya sa kanyang pagpasok sa pulitika.

"Noong una, medyo kabado sila. Pero nang maipaliwanag ko sa kanila kung bakit kailangan kong tumakbo para mayor ng Pasig, naunawaan nila ako. 'Di nila ako pinigilan dahil alam naman siguro nila na 'di nila ako mapipigilan."

Magastos ba ang pagkandidato niyang ito?

"Me gastos pero ako po sinusubukan kong magpakilala ng makabagong pulitika. Ibig pong sabihin, alam naman natin na kung napakalaki ng ginagastos ng isang pulitiko, kung gagastos ng 100 million, imposibleng hindi bawiin, eh, imposible talaga. So ako po bilang isang batang pulitiko, gusto ko pong magpakilala ng makabagong estilo na hindi gagastos ng napakalaking pera 'tapos babawiin lang din. Ako po kung may tumutulong, maraming salamat. Basta sa akin, hanggang makakaya lang, 'di tayo gagastos ng milyon-milyon-milyon para lang manalo."

Sa tayo't hitsura, sa taas ng pinag-aralan at common sense, sa pagsisimula sa ibaba ng mga posisyon sa gobyerno at sa mga bagong kaisipan sa good governance, alam kaagad ng reporters na nag-interbyu kay Vico na malayo ang mararating niya sa larangang pinasok.

Dindo M. Balares