Patay ang dalawang magsasakang umano’y kaanib ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang ratratin ng mga hindi nakikilalang lalaki sa Carmen, North Cotabato, kamakailan.
Ang dalawa ay kinilala ng Cotabato Provincial Police Office (CPPO) na sina Nuska Alamansa, 32, at Nasser Tambilangan Ampatuan, 34, kapwa magsasaka at parehong taga-Sitio Kweda, Pisan, Kabacan, ng naturang lalawigan.
Ayon kay Police Col. Maximo Layugan, hepe ng CPPO, binabagtas ng dalawa ang barangay road, sakay ng motorsiklo nang biglang pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang lalaki sa Kibuyao.
Dead on spot ang dalawa dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi matukoy na lugar, dala ang kanilang armas na M16 Armalite rifle at cal. 45 pistol.
Patuloy pang iniimbestigasyon ng pulisya ang kaso.
-Fer Taboy