OPISYAL nang binuksan ng LoveYourself Inc. ang una nitong community HIV testing center sa labas ng Metro Manila, sa lungsod ng Cebu, nitong Sabado.

Ayon kay Ronivin Pagtakhan, founder at executive director ng LoveYourself, nagdesisyon silang itatag ang unang center sa Visayas, ang LoveYourself White House sa Cebu, dahil sa “very high” na kaso ng mga HIV sa Central Visayas.

“Central Visayas shares 9 percent of the total number of persons living with HIV in the country since 1984,” ani Pagtakhan.

Sinabi naman ni Department of Health-Central Visayas (DoH-7) medical officer Dr. Van Philip Baton, na tumaas ang bilang ng kaso ng HIV sa rehiyon sa 5,774 mula noong 1984 hanggang Disyembre 2018.

“It is very timely for LoveYourself to be here in Cebu as Central Visayas ranks fourth in terms of most number of HIV cases nationwide,” paliwanag ni Baton.

Nagkakaloob ang LoveYourself White House ng libre at confidential testing at treatment, kabilang ang edukasyon, counseling, at life coaching. Magiging bukas sa publiko ang center mula Miyerkules hanggang Linggo mula tanghali hanggang 9:00 ng gabi.

Maaaring maka-access ang mga kliyente ng WiFi at libreng kape, tsaa, o juice habang naghihintay ng resulta, na maibibigay 15 minuto matapos ang testing.

Pagbabahagi ni Christopher Lagman, LoveYourself co-founder at senior director, dapat ay noon pang 2013 sila nagbukas ng center sa Cebu, ngunit hindi ito natapos dahil sa kakulangan ng pondo, volunteer at mga magiging katuwang.

Ipinakilala rin ng LoveYourself si Karencitta, isang Cebuana hip-hop artist na nakabase sa US, bilang brand ambassador na dagdag kay Miss Universe 2018 Catriona Gray at Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach .

-PNA