MASASAKSIHAN ang pinakahihintay na duwelo nang mga matitikas na panabong na naghahangad makasama sa 2019 Thunderbird Manila Challenge sa Mayo 1 sa Cagayan de Oro City.
Sentrong venue ang Igpit Cockpit Arena kung saan hindi kukulangin sa 40 kalahok ang inaasahan maglalaban para mapabilang sa mga magtutuos sa 2019 Thunderbird 6-Cock All Star Derby sa Smart Araneta Coliseum sa Mayo 22.
Ang 1st of May Regional 5-Bullstag/Cock Derby sa darating na Miyerkules ay may entry fee na P11,000 at minimum bet na P6,600. Ang magkakampiyon, bilang karagdagan sa cash prize ay tatanggap ng P100k halaga ng Thunderbird products (P50,000 feeds + P50,000 vet) + 1 TMX 125 cc motorbike. Ang handler ay magbubulsa ng cash prize plus 1 mountain bike, samantalang, ang gaffer ay makakakuha ng 1 tari set mula sa Ampy tari shop.
Ang unang regional derby na ginanap noong Marso 22 sa Pangasinan Coliseum ay pinagsaluhan ng mga lahok na Master Gunner ni Marvin Gatchalian & Geoffe Buenviaje at ng MJ Ramzy ni Frank Cabiguen.
Ang Thunderbird Manila Challenge National Championship 6-Cock All-Star Invitational Deby sa Smart Araneta Coliseum sa Mayo 22 ay magtatanghal ng matinding labanan sa pagitan ng 25 Thunderbird national endrosers, 15 Regional Champions at 8 special cyber qualifier champions kasama rin si Engr. Taguibao ng Cagayan upang ipagtanggol ang kanyang korona.
Ang national champion ay mag-uuwi ng 1 brand new Toyota Hilux. Ang kanyang handler ay tatanggap ng 1 TMX 125 cc motorcycle, samantalang ang kanilang mananari ay mabibigyan ng 1 dosenang tari mula sa Ampy Tari shop
Sa Mayo 23 hanggang 28, ang buong Thunderbird Team ay babiyahe sa Vietnam para sa isang karapat-dapat na bakasyon.