May 22, 2026

Home BALITA National

DILG, utos maagang pag-imbentaryo at turnover para sa Barangay at SK elections

DILG, utos maagang pag-imbentaryo at turnover para sa Barangay at SK elections
Photo courtesy: COMELEC (FB)

Mariin nang ipinag-uutos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan (SK) ang maagang pag-iimbentaryo at turnover bilang paghahanda sa paparating na 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre. 

Ayon sa pahayag ng DILG nitong Martes, Abril 7, ang utos na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., upang maiwasan ang abala sa paninilbihan sa kasagsagan ng paglilipat ng pamumuno sa Nobyembre. 

Kaya upang magawang institusyonal ang proseso, ang mga punong barangay ay inuutusang bumuo ng Barangay Inventory Teams (BITs) na binubuo ng mga opisyal ng barangay at representante ng komunidad. 

Ang mga ito ang responsable sa pangangasiwa sa dokumentasyon at turnover ng lahat ng assets at records.

Gayundin ang SK Chairpersons na inuutusang bumuo ng SK Inventory Teams (SKTIs) upang matiyak na mapanghahawakan ang pananagutan sa sektor ng kabataan.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Ayon pa sa DILG, dahil ang BITs at SKTIs ang inaatasang magsagawa ng inisyal at pinal na imbentaryo, ang teams na ito ay makikipagtulungan sa City and Municipal Assessment and Transition Teams upang matiyak ang maayos na pagsunod at pagbibigay ng operational na suporta sa panahon ng transition. 

Bukod sa pagiging direktiba ni PBBM, ang utos na ito ay nakabatay din sa umiiral na regulasyon sa batas, kabilang ang Presidential Decree No. 1445, Local Government Code of 1991, at ang SK Reform Act of 2015. 

Kaya babala ng DILG, ang hindi pag-turnover ng anumang pagmamay-ari ng pamahalaan ay magreresulta sa administratibo at legal na pananagutan batay sa regulasyon at batas.