BAGO pa man nagmuni-muni ang sambayanan sa Kwarisma, isang anyo ng himala ang naganap sa komunidad ng swimming.

Mapagpakumbaba at punong-puno ng pang-unawa ang damdamin at kaisipan ng mga opisyal ng Philippine Swimming Inc. (PSI) at Philippine Swimming League (PSL) – dalawang nagbabanggaang grupo sa matagal nang panahon dahil sa kasakiman, diktatorya at kawalan ng malasakit ng nakalipas na pamunuan ng PSI– na nagdulot nang mababang kalidad ng mga atleta at batang swimmers.
Bilang tanging asosasyon na kinikilala ng International Swimming Federation (FINA) at ng Philippine Olympic Committee (POC), nasa posisyon ang PSI na magpatupad nang pamantayan at regulasyon. Ngunit, sa nakalipas na mga taon, ang mga naturang regulasyon ang naging kongretong bakod na nagpahiwalay sa PSI at ilang organisadong swimming club at association na tulad ng PSL.
Pinamumunuan ang PSL ng dating Olympian na si Susan Papa at may ayuda ni dating Senator Nikkie Coseteng – may-ari ng Diliman Preparatory School kung saan naging tahanan ng mga batang swimmers na mistulang itinaboy noon ng PSI.
Kamakailan, sa pamumuno ni Lani Velasco (sentro pa rin ng isyu sa legitimacy), nagbukas ng awang ang pintuan ng PSI para sa mga batang swimmers ng PSL, sa pangunguna ni multi-titled junior internationalist na si Jasmine Mojdeh.
Walang kondisyon na ipinataw si Velasco maliban lamang sa simpleng request na ipalista ang mga swimmers sa PSI bilang mga lihitimong miyembro na agad namang tinugunan ng PSL. Sa basbas ni Susan Papa, nabuo ang PSL-Swimming Pinas.
Hindi bawal sa mga swimmers ang lumahok sa lahat ng programa ng PSL – ang malinaw pa sa tubig ng ilog Pasig na napagkasunduan ng magkabilang grupo. Munti man, ang pagkakaisa ng PSI at PSL ay isang hakbang para sa muling pagbabalik ng ningning sa sports na nailagay sa pedestal ng mga tulad nina Akiko Thomson, Ral Rosario, Ryan Papa at Eric Buhain – ang bayani ng Phiilippine Team sa pamosong ‘Miracle 91’ noong 1991 SEA Games sa Manila.
Bukod dito, nababanaag na rin ang katuparan sa pangarap ng mga batang swimmers tulad ni Mojdeh na maging miyembro ng Philippine Team na sasabak sa international tournament tulad ng SEA Games, Asian Games at Olympics.
Mas malalim na talento, mas malaki ang tsansa ng bansa na makahirit ng gintong medalya – malay natin – sa darating na SEA Games kung saan host muli ang bansa sa Nobyembre.
Sa huling walong edisyon ng SEA Games, bokya ang Pilipinas at tahasang ititurong dahilan ang kakulangan ng mahuhusay na atleta dahil sa pagbabawal ng PSI na makalangoy sa national tryouts ang mga swimmers ng iba’t ibang swimming club tulad ng PSL. Tunay na hindi naging epektibo ang sistema noon na kumuha ng mga US-based Pinoy para sa koponan.
Sa pagkakataong ito, may silahis ng pag-asa na nababanaag sa Philippine swimming.
Bilang panimula, nagpamalas ng kahusayan ang PSL swimmers sa isinagawang PSI Grand Prix – NCR Qualifying Series Leg 1 na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Hindi binigo ni Mojdeh ang mga taong sumusuporta sa kanya, sa pangunguna ng inang si Joan, nang pagbidahan ang 400m freestyle (4:52.69), 50m breaststroke (36.78), 100m butterfly (1:05.88) at 200m Individual Medley (2:34.78) sa girls 11-13 age class. Pangalawa ang Palarong Pambansa champion sa 50m freestyle (30.10) at pangatlo sa 100m backstroke (1:15.92).
Impresibo rin si Hugh Antonio Parto sa boys’ 11-13 class ng 400m freestyle (4:45.15), 100m butterfly (1:03.81), 200m IM (2:30.75), 100m backstroke (1:09.55) at 50m freestyle (27.93).
Humataw din si Marcus Johannes De Kam sa boys’ 14-15 sa 400m freestyle (4:19.94), habang kumikig si Mervien Jules Mirandilla sa boys’ 16-18 100m butterfly (58.55) at si Yohan Mikhail Cabana sa boys’ 14-15 100m backstroke (1:05.44).
Kabilang din sa Swimming Pinas sina John Neil Paredes, Rio Malapitan,Jhad Mattheus Macatangay, Lawrence Jacob Arabes at Julia Ysabelle Basa.
Hindi pa nagpaparamdam si Marc Dula na katambal ni Mojdeh sa maraming tagumpay ng PSL sa junior meet sa abroad.
Nawa’y umanib na rin si Dula. Ang talento niya ay kailangan sa Philippine Team.
Marami pang talento ang naghihintay lamang ng pagkakataon at ang pagkakaisa na sinimulan ng PSI sa PSL ay maging hudyat sana para sa pagtanggap sa iba pang swimming club na lumayo sa PSI dahil sa kawalan ng malasakit.
-EDWIN ROLLON