Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena, Pasig)
11 a.m. - Perpetual vs Valencia City Bukidnon-SSCR
1 p.m. - Cignal-Ateneo vs Batangas-EAC
3 p.m. - CEU vs SMDC-NU
MAPANATILI ang kanilang pamumuno sa kani-kanilang grupo ang kapwa tatangkain ng Foundation Group leader Centro Escolar University at Aspirants Group forerunner Cignal-Ateneo sa pagsabak nila ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D League.
Unang sasalang ang Blue Eagles sa ikalawang laban ganap na 1:00 ng hapon kontra Batangas-EAC at susunod ang Scorpions sa huling laro ganap na 3:00 ng hapon kontra SMDC-NU sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Mauuna rito, magtutuos sa pambungad na laro ganap na 11:00 ng umaga ang University of Perpetual Help at Valencia City-San Sebastian College Golden Harvest.
Itataya ng Scorpions ang malinis nilang imahe at tatangkaing masungkit ang ikapitong sunod nilang panalo gayundin ang una sa top 4 spot sa kanilang grupo na uusad sa crossover playoffs.
Paborito ang Scorpions kontra SMDC-NU na bagamat nakatikim ng una nilang panalo ay hindi na hawak ang kanilang kapalaran sa pag-usad sa playoffs mula sa kinalalagyang ika-8 puwesto ng Foundation Group.
Hawak ang markang 6-1, panalo-talo sa tuktok ng Aspirants Group pinapaboran din ang Cignal-Ateneo kontra Batangas-EAC.
Galing sa 75-puntos na panalo kontra McDavid, pupuntiryahin ng Blue Eagles na makopo ang ikapitong panalo para makalapit sa asam na quarterfinals berth.
Taglay naman ang kartadang 2-5, nasa must win situation na ang Generals at kailangang umasang hindi lalagpas ng 4 na panalo ang mga sinusundang koponan.
Samantala sa unang laro, tatangkaing pumatas ng Valencia City-San Sebastian sa ikalawang puwesto ng Foundation Group kung saan nakaluklok ang Metropac-San Beda hawak ang markang 5-1 sa pagsagupa nito sa Perpetual (1-4) na nais namang patuloy na buhayin ang tsansang umusad sa susunod na round.
-Marivic Awitan