MIlawaukee Bucks vs Boston sa hiwalay sa EC semifinal duel
TORONTO (AP) — Hindi na kailangang bumiyahe pa ng Raptors sa Florida.

Sa harap ng nagbubunying home crowd, tinapos ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na may 27 puntos, ang Orlando Magic, 115-96, para isara ang best-of-seven series sa Game 5 nitong Martes (Miyerkoles sa Manila).
Nag-ambag si Pascal Siakam ng 24 puntos at kumana si Kyle Lowry ng 14 puntos upang kumpletuhin ng Raptors ang four-game sweep matapos mabigo sa Game 1.
Ito ang ikaapat na sunod na taon na nakausad ang Raptors sa second round.
Ratsada si Leonard, ipinamigay ng San Antonio Spurs kapalit ni Demar DeRozan sa off season, sa natipang 8 of 11 shots, tampok ang 5 of 5 sa 3-point range. Umabante ang Raptors ng maaga at hindi na bumitaw sa unahan. Umupo sa bench si Leonard sa hiyawan ng MVP, MVP! may 8:05 sa final period at abante ang Spurs sa 105-75.
Nanguna sina D.J. Augustin na may 15 puntos, Terrence Ross na may 12 at Aaron Gordon na kumana ng 11 puntos sa Magic, nagwagi, 104-101, sa Game 1.
Hindi pa nakakabante sa postseason ang Magic mula noong 2012. Sa naturang taon, naipanalo rin ng Orlando ang opening match sa road kontra Indiana, bago natalo ng apat na sunod. Hindi pa nakakalagpas ang Magic sa opening round mula noong 2010 kung saan natalo sila ng Boston sa Eastern Conference Finals.
SIXERS 120, NETS 100
Sa Philadelphia, ipinadama ng Sixers, sa pangunguna nina Ben Simmons at Joel Embiid, ang ngitngit at marubdob na hangarin nang wasakin ang Brooklyn Nets sa Game 5 at umusad sa second round tangan ang 4-1 bentahe.
Makakaharap nila sa Eastern Conference second round playoffs ang Toronto Raptors, winalis din ang huling apat na laro laban sa Orlando Magic. Magtutuos naman sa hiwalay na semifinals duel ang top seed Milwaukee Bucks at No.2 Boston Celtics.
Naging mainit ang laban na nagresulta sa pagkakatalsik nina Philadelphia’s Jonah Bolden at Greg Monroe, gayundin nina Brooklyn’s Dzanan Musa at Radians Kurucs.
Kumubra si Embiid ng 23 puntos at 13 rebounds, habang kumana si Simmons ng 13 puntos.
Nanguna si Hollis-Jefferson sa Nets na may 21 puntos.
“We haven’t gone through this. I’m dying to see,” pahayag ni Nets coach Kenny Atkinson. “My guess is we come out fighting like lions.”
NUGGETS 108, SPURS 90
Sa Denver, anim na Nuggets, sa pangunguna ni Jamal Murray na may 23 puntos, ang umiskor ng double digits, para gapiin ang San Antonio Spurs at kunin ang 3-2 bentahe sa kanilang Western Conference first-round playoffs.
Makakausad sa semifinal ang Nuggets kung malulusutan ang Spurs sa kanilang tahanan sa San Antonio sa Game 6 sa Huwebes (Biyernes sa Manila).
Hataw si All-Star center Nikola Jokic sa naiskor na 16 puntos, 11 rebounds at walong assists, habang humirit si Paul Millsap ng 14 puntos.
Bumida sa Spurs sina DeMar DeRozen at LaMarcus Aldridge na may tig-17 puntos, ngunit naging dominante ang Nuggets mula simula hanggang sa final buzzer.
“It’s something we talked about going into the series. During the regular season matchups, the team that had won the first quarter had gone on to win that game,” sambit ni Nuggets coach Michael Malone bago ang tip-off.
“Obviously, we’ve been able to win two games even though we did not win the first quarter. I think tonight, coming off of that game in San Antonio, they’re going to come out very, very aggressive. They even stated that after the game, especially DeMar DeRozan.