Patay ang isang 76-anyos na lalaki, gayundin ang kanyang therapist na babae, habang sugatan ang kanyang stay-in nurse nang pagbabarilin ng sariling kapatid sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Little Baguio, San Juan City, kahapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Catalino Bañez, 76, US citizen; kanyang therapist na si Ma. Teresa Antiquera, nasa hustong gulang; habang sugatan si Rhea Antonio, 33.
Arestado naman ang suspek na si Roberto Bañez, 59, nakababatang kapatid ni Catalino, na sa halip na sumuko ay nakipagbarilan pa umano sa mga pulis.
Sa ulat ng San Juan City, na pinamumunuan ni Police Col. Ariel Fulo, nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa loob ng bahay ni Catalino sa 242 Barasoain
Street, Bgy. Little Baguio nang pumasok si Roberto, dakong 8:30 ng gabi.
Sa di pa batid na dahilan, bumunot ng baril ang suspek at pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Dead on the spot si Catalino, habang naisugod pa sa Cardinal Santos Medical Center si Antiquera, ngunit idineklara ring patay.
Kahit sugatan, nagawang makatakas ni Antonio.
Agad na rumesponde ang mga awtoridad, ngunit sa halip na sumuko ang suspek ay nakipagpalitan pa umano ito ng bala sa mga pulis.
Kinailangan pang hagisan ng tear gas ang suspek bago tuluyang naaresto, sa ganap na 12:15 ng madaling araw kahapon.
Napag-alaman na ito ang ikalawang pagkakataon na nag-amok ang suspek, at noong 2014 ay isang driver ang binaril nito, ngunit hindi nakulong dahil hindi nagkaso ang pamilya ng biktima.
Narekober sa suspek ang mga party drugs, isang 12 gauge shotgun, isang .45 caliber pistol at isang kalibre .22 revolver.
Kakasuhan ang suspek ng dalawang bilang ng kasong pagpatay at bigong pagpatay sa piskalya.
-Mary Ann Santiago at Fer Taboy