Umapela ang Phivolcs sa publiko na tigilan at iwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa lindol na sinasabing tatama sa Metro Manila.

Ipinaliwanag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang viral online messages ay tinanggal na sa Oplan Yakal Plus, contingency plan ng ahensiya na layuning ipaliwanag ang posibleng matinding epekto ng isang malakas na lindol na dulot ng paggalaw ng West Valley Fault System.

Taong 2002-2004 nang isinagawa ng Phivolcs at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), kasama ang Japan International Cooperation Agency (JICA), ang pag-aaral na tinawag na Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study, na sumuri sa 18 lindol sa Metro Manila at mga karatig na lugar.

Sa pag-aaral, lumalabas na ang West Valley Fault System, na tumatawid sa bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre, Marikina City patungong Tagaytay City, ay posibleng magkaroon ng malaking epekto sa Matro Manila sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

National

Grupo ng simbahan, suportado panawagang imbestigahan ng ICC ang War on Drugs: 'Let justice be served'

Sa isang malakas na paglindol na umaabot sa 7.2-magnitude, base sa pag-aaral, maaaring gumuho ang nasa 170,000 bahay, 340,000 bahay ang maaaring masira, 34,000 tao ang maaaring masawi, at 114,000 ang posibleng masugatan.

Iginiit ng Phivolcs na wala sa maling impormasyon na kumakalat online ang “important measures” na ipinatutupad ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng malakas na lindol sa Metro Manila.

Muli ring inihayag ng ahensiya na hindi kailanman matutukoy kung kailan at saang lugar maaaring lumindol.

Ayon pa sa Phivols, ang magnitude 6.1 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila, nitong Lunes ng hapon ay posibleng dulot ng local fault sa Zambales, at hindi ang West Valley Fault System.

“Please do not send or forward any information that may further cause confusion and fear to those who could receive the message,” paalala ng Phivolcs.

Sa halip, pinayuhan ng ahensiya ang publiko na manatiling kalmado at alerto. At kung maramdaman ulit ang paglindol, hinikayat nila ang publiko na gawin ang “duck/drop, cover and hold” saka lumikas sa ligtas na lugar matapos ang pagyanig.

Ellalyn De Vera-Ruiz