Naging mabigat ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapapatay din ang sinumang papalit kay Melvin “Boyet” Odicta, Sr., ang drug lord sa Western Visayas na napaslang sa Aklan, noong 2016.
“Sinong naghahawak dito? Bakit maraming ugok dito noon? Odicta. Sinong nagpalit? Huwag ko munang sabihin, patayin din ‘yan. Ah, sigurado,” paliwanag ng pangulo nang dumalo ito sa isang campaign rally sa Bacolod City, Negros Occidental, kamakailan.
Si Odicta at ang asawang si Merriam, kapwa tubong Iloilo City ay napatay ng mga hindi nakikilalang lalaki sa Caticlan Jetty Port sa Aklan, noong Agosto 2016.
Sa nasabing panahon, tinukoy ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) si Odicta na kabilang sa dalawang drug lord sa rehiyon.
Ang ikalawang drug lord na si Richard “Buang” Prevendido, ay napatay din ng mga awtoridad nang pumalag umano sa pag-aresto, noong Setyembre 2017.
Sa kanyang talumpati, muling binanatan ni Duterte 0si dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na isa sa mga pulitikong protektor ng illegal drug trade sa rehiyon.
Kasama rin sa binatikos ni Duterte ang mga napatay na sina Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte at Reynaldo Parojinog, ng Ozamiz City.
-Tara Yap