Inaresto ng pulisya sa Quezon City ang sinasabing miyembro ng Abu Sayaff Group na wanted sa mga kaso ng kidnapping sa Mindanao.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig.Gen. Joselito T. Esquivel Jr., ang suspek na si Abuhair Kullim Indal, alyas “Annual Dasil” at “Abu Khair”, 32, tubong Basilan, at naninirahan sa Salam Compound, Barangay Culiat, Quezon City.
Inaresto si Indal bandang 4:25 ng hapon nitong Linggo sa kanyang bahay sa Bgy. Culiat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa pamumuno ni Major Elmer Monsalve, ng PNP Intelligence Group, sa pangunguna ni Capt. Loveno Galarosa, ng QCPD-Station 3, sa pangunguna ni Lt. Col. Alex Alberto, at ng mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng QCPD.
Nabatid na si Indal sa bisa ng warrant of arrest sa mga kaso ng kidnapping at serious illegal detention mula sa korte sa Isabela City, Basilan, na may petsang Enero 28, 2008.
Ayon sa mga awtoridad, nasorpresa si Indal sa nasabing pagsalakay sa kanyang bahay, at tinangka pa umanong magpasabog ng granada bago naaresto.
Ayon kay PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, wanted si Indal sa pitong magkakaibang kasong kriminal sa Basilan, kabilang na ang pagdukot sa 15 empleyado ng Golden harvest Plantation sa Lantawan noong Hunyo 11, 2001.
Si Indal ay dating tauhan ng Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon, at pinagkakatiwalaan ng iba pang pinuno ng teroristang grupo na sina Furuji Indama at Nurhassan Jamiri.
Inaalam na ngayon ng pulisya kung bakit nasa Metro Manila si Indal, at kung mayroon pa itong ibang kasamahang bandido sa National Capital Region.
-Jun Fabon at Fer Taboy