Sa isang kakaibang twist na mala-teleserye, isang mangingisda, na tinagurian ng mga pulis na “Good Samaritan” sa pagsusuko ng mga nalambat nitong cocaine bricks sa Surigao del Sur noong Pebrero, ang suspek ngayon sa pag-iingat ng droga.
Kinilala ni Brigadier Gen. Gilberto Cruz, director ng Police Regional Office (PRO)-13, ang suspek na si Ronie Navales, 48, ng Purok Santan, Barangay Bongtud, Tandag City.
Tinawag na “Good Samaritan” si Navales at ginantimpalaan pa nga mismo ni Cruz ng mga sako ng bigas matapos niyang isuko, kasama ang kapwa mangingisdang si Ryan Apelo, 23, sa pulisya ang 34 na bricks ng cocaine na nagkakahalaga ng P23 milyon, na natagpuan nila habang nangingisda noong Pebrero.
Gayunman, sinabi ni Cruz na tiniktikan nila si Navales matapos na makatanggap ng intelligence report ang pulisya na sangkot sa ilegal na droga ang suspek.
Ayon kay Cruz, itinabi ni Navales ang anim na cocaine bricks mula sa narekober nito sa dagat, para ibenta.
“Navales intentionally kept the six bricks of cocaine thinking he would gain bigger money by selling it to drug users,” ani Cruz.
Inaresto ngayong Biyernes si Navales, at isinuko sa pulisya ang apat pang cocaine bricks, matapos niya umanong i-flush sa inodoro ang dalawang nawawalang cocaine bricks.
-Martin A. Sadongdong