NAGMAMAKTOL ang isang struggling actor sa kanyang manager, dahil hanggang ngayon ay hindi pa siya nahahanapan ng solong project na makakapagpasikat sana sa kanya.

Sa ngayon kasi ay lagi lang siyang support sa mga kasabayan niyang pumasok sa showbiz.

Ilang serye na rin ang nagawa ng struggling actor at napansin naming marunong naman siyang umarte at may hitsura din naman siya, pero ‘yun nga, hindi siya pang leading man.

“Lagi niyang kinukulit ang manager niya at sinasabihan naman siyang magtiyaga lang dahil hindi naman overnight ang pagsikat. Eh, parang hindi makaintindi,” kuwento ng aming source.

Blind Item

Tsinuging aktor sa serye nag-fly sung daw sa ibang bansa, may iniiwasang kaso?

Kaliwa’t kanan naman ang projects ng struggling actor kahit supporting lang, at ang mahal nga ng bayad niya per day kahit ilang eksena lang ang kukunan.

At dito namin nalamang may attitude problem pala ang struggling actor, dahil ayaw niya na pinaghihintay siya sa set.

“Ganu’n naman lahat ng artista, ‘di ba? Iko-call time ka nang maaga para ‘pag gumiling na ang kamera, lahat on the set na. Eh ayaw niya ng naghihintay siya, sayang daw ang oras.

“Hello, bayad ang oras niyang maghintay! ‘Di ba nga binabayaran ang mga artista para maghintay sa set, sabi rin mismo ‘yan ni Tito Eddie Garcia.

“Itong lolo mo (struggling actor) gusto niya pagdating niya sa set, kukunan na para madaling matapos, at gustong umalis kaagad. Hello, bayad ang araw niya, kaya nga per day ang bayad, tapos gusto sandali lang? Daig pa niya ang bida sa project na naghihintay din.

“Eh kaya pala hindi nabibigyan ng lead role, kasi may attitude, at alam ‘yan ng manager niya, I’m sure!” mahabang kuwento sa amin.

As of now ay nasa isang serye si struggling actor, pero hindi pa namin nakikitang lumabas maski na lagi niyang sinasabi na nasa set siya. Hmm, hindi kaya nalalaglag? Ha, ha, ha!

-Reggee Bonoan