SA lahat ng uri ng kumpetisyon, gaya ng eleksiyon, laging mayroong isa na walang pag-asang manalo dahil sa maling pagtingin ng tao o maaaring hindi kilala. Sa pandaigdigang labanan, napatunayang ang debate ay pinakamainam na paraan upang makapaglagak ng sariling tatak, lalo na sa panahon ng halalan.

Sumalang kamakailan si Commission on Elections Director for Education and Information James Jimenez sa isang international debate symposium para sa nalalapit na mid-term election sa Pilipinas.

Sinabi niyang maaaring malampasan ng mga incumbent official, o mga nakaupong opisyal na naghahangad na muling maluklok sa puwesto, ang “golden opportunity” sa pagtanggi nila sa mga debate.

“Some studies have shown that incumbents who take the opportunity to articulate their policies are actually more likely to pull in voters at the polls,” pahayag ni Jimenez sa kanyang Twitter account nitong Huwebes.

Napatunayan ito sa nagdaang 2016 presidential election, kung saan karamihan ng mga incumbent na kumakandidato sa mas mataas na posisyon ay natalo ng mga lokal na pulitikong naghahangad ng pambansang puwesto.

Sa kanyang Twitter account, higit pang binigyang-diin ni Jimenez ang kanyang punto at sinabing: “Public viewings of debates are significantly more effective at changing voter choices and behaviour than private or personal viewing.”

Samantala, nabanggit ni Comelec Chairman Sheriff Abas sa naunang panayam na mahirap isakatuparan ang isang opisyal na debate para sa halalan sa Mayo 13, lalo na dahil may 62 kandidato ang naghahangad na makakuha ng puwesto sa Senado.

“Compared to the presidential race where only six competed, it is much harder with the mid-term elections since there are 62 of them,” pahayag ni Abas, at sinabing hindi opisyal ang mga debate na idinaraos ng mga pribadong network at iba pang partido.

Nitong nakaraang buwan, tinanggihan ng Comelec ang hiling ng oposisyong Otso Diretso para sa pagdaraos ng debate sa pagitan nila at ng grupo ng administrasyon, ang Hugpong ng Pagbabago.

Iginiit ni Jimenez na hindi maaaring magsagawa ng isang programa o debate na para lang sa dalawang partido.

“Granting Otso Diretso’s request would be tantamount to giving preferential treatment to some senatorial candidates or slates,” aniya.

Samantala, aminado naman si Abas na ang paghahamon ng debate ay isang estratehiya upang makuha ang boto ng publiko.

“Ang ibang kandidato, ang strategy nila ay through debate, depende sa diskarte ng bawat grupo,” aniya.

PNA