Patay ang tatlong pasahero, kabilang ang isang kaga-graduate lang sa senior high school at ina nito, habang pitong iba pa ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang bus sa Hamtic, Antique, nitong Biyernes ng gabi.
Sa report ni Police Sr. Master Sgt. Llanie Adores, ng Hamtic Municipal Police Station (HMPS), kabilang sa mga nasawi ang mag-inang sina Vivien Omanio at Earl Aron Omanio, 18, na katatapos lamang dumalo sa kanilang graduation ceremony sa John B. Lacson Foundation Maritime University (JBLFMU) sa Iloilo City, at Evangelyn Chicano, ng San Jose sa nasabing lalawigan.
Kabilang naman sa pitong nasugatan ang driver na si Ramon Abellar. Ang mga ito ay isinugod sa pagamutan.
Ayon sa pulisya, kagagaling lamang sa Iloilo City ang Ceres bus na pag-aari ng Vallacar Transit, Inc. at pabalik na sana sa San Jose, Antique nang maganap ang insidente sa Barangay Igbucagay, dakong 10 ng gabi.
Sa ulat ng mga awtoridad, mabilis ang takbo ng bus sa pakurbang bahagi ng kalsada hanggang sa mawalan ng kontrol ang driver nito na ikinahulog nito sa 50 talampakang bangin.
Kinukuha pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng anim pang nasugatan.
Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang insidente.
Tara Yap at Fer Taboy