Umaabot na sa “dangerous” levels ang heat index sa bansa, dahil pumalo na sa 44.5 degrees Celsius ang temperatura sa ilang lalawigan nitong Huwebes.

Sa datos na inilabas ngayong Biyernes ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sinabing ang pinakamataas na temperatura sa bansa nitong Huwebes ay naitala sa Dagupan City, Pangasinan, na may maximum heat index na 44.5°C, mas mababa sa 48.2°C naitala nitong Miyerkules.
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay tumutukoy sa aktuwal na pagdama sa temperatura, taliwas sa temperaturang nasusukat ng thermometer.
Itinuturing ng PAGASA na “dangerous” ang heat indices na 41°C-54°C, na nangangahulugang posible ang heat cramps at heat exhaustion, at “a heat stroke is probable with continued activity”.
Bukod sa Dagupan City, nakapagtala rin ng delikadong heat index na 41.4°C sa Cuyo, Palawan at sa Sangley Point, Cavite nitong Huwebes, habang ang 41°C naman ang naitalang heat index sa Cotabato, Maguindanao.
-Alexandria Dennise San Juan