NAGHAIN ng diplomatikong protesta ang Pilipinas sa China hinggil sa napaulat na presensya ng napakaraming barko ng mga tsino malapit sa isla ng Pag-asa, na nasa 300 kilometro kanluran ng katimugan ng Palawan. Agad na siniguro ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua ang kooperasyon ng China para sa pagtitiyak ng mga ulat at lutasin ang isyu sa magiliw at diplomatikong paraan, na nagwawaksi sa pangamba ng pagsiklab ng sigalot dahil sa isyu.
Nasa sentro ng isyu ang isla ng Pag-asa, kilala rin bilang Thitu. Sa loob ng isla ay matatagpuan ang maliit na bayan ng Kalayaan, isang 5th class na munisipalidad ng probinsiya ng Palawan. Taong 1946 pa, idineklara na ni Pangulong Elpidio Quirino ang Pag-asa at walong maliliit na mga islang kalapit nito, na tinawag niyang Southern Islands, bilang bahagi ng Pilipinas. Habang isinabatas ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1978 ang President Decree 1596 na lumilikha sa munisipalidad ng Kalayaan. Noong 2009, pinagtibay ng Kongreso ang RA 9522 na nagtatakda ng archipelagic baselines ng Pilipinas, na nagsasaad na malayang teritoryo ng bansa ang mga isla sa Kalayaan.
Naitala noong Enero 20, 1980 ang unang halalan sa Kalayaan, na nagluklok kay Aloner M. Heraldo. Makalipas ang serye ng naitalagang mga alkalde, muling idinaos ang halalan noong Mayo 11, 1992, na naghalal kay Gil D. Policarpio. Sa kasalukuyan, pinamamahalaan ni Mayor Roberto M. del Mundo ang bayan na nagwagi noong Mayo 9, 2016.
May lumang runway ang Kalayaan na mula pa noong panahon na ito ay ginamit na base militar, isang lying in clinic at isang maliit na paaralang pang-elementarya. Noong Mayo ng nakaraang taon, napagdesisyunan ng pamahalaan ng Pilipinas na ayusin ang lumang runway sa isla. Upang tugunan ang mga dinadalang mga materyales at kagamitang pang-konstruksiyon sa lugar, isang “beaching ramp” ang itinayo. Ipinakita ng mga kuhang imahe ng satellite ang mga excavator na nagtatambak ng buhangin sa lugar, may 32,000 metro kuwadrado lawak, ayon sa Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) ng Center for Strategic and International Studies (CSIS) na nakabase sa Washington.
Ibinahagi ng Washington think tank na kapansin-pansing ang pagdalang ng mga barko ng pamahalaan noong Enero, na ipinapalagay na dahil sa puwersa ng mga Tsino na nakatigil upang tila magbantay “after their initial large deployment failed to convince Manila to stop construction.”
Ang inaasahang imbestigasyon matapos ang paghahain ng diplomatikong protesta ay dapat na tumiyak sa mga ulat at sa iba pang detalye ng mga kaganapan sa paligid ng isla ng Pag-asa. Kumpiyansa tayo na payapang malulutas ang isyu, tulad ng iba pang mga isyu ng ibang mga bansa na may nagkakatalong interes at pag-aangkin sa bahagi ng South China Sea.