Inamin ni Hugpong ng Pagbabago chairperson at Davao City Mayor Sara Duterte na usaping pangseguridad ang dahilan kaya napilitan siyang huwag sumama sa pangangampanya ng mga kandidato sa pagkasenador ng kanyang partido sa Tangub, Misamis Occidental, nitong Martes.
“The PSG (Presidential Security Group) did not allow us to proceed,” sabi ng alkalde, na abut-abot ang paghingi ng paumanhin sa mga lokal na opisyal at tagasuporta na dumagsa sa Sinanduloy Cultural Center upang makita siya at ang mga kandidato ng HNP.
Hindi na idinetalye ng alkalde ang bantang pangseguridad laban sa kanya, bagamat kinumpirma niyang ang paghihigpit sa kanyang security ay utos ng “highest officer of PSG”.
“It’s beyond my control,” aniya.
Nauna rito, pinahigpit ang seguridad para sa ama ng alkalde, si Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtalumpati sa likod ng transparent bullet-proof glass sa entablado sa campaign rally sa Malabon City nitong Lunes.
Gaya ni Inday Sara, ipinaliwanag ng Pangulo na bagamat hindi siya pumapabor sa nasabing security set up, wala siyang magagawa tungkol dito.
Bukod sa pag-aming may banta sa kanyang seguridad, ang hindi pagdalo ni Inday Sara sa kampanya sa Tangub ay nagpatindi pa sa mga espekulasyon na may kaugnayan sa drug trafficking sa lugar ang paghihigpit sa kanyang seguridad.
Malapit lang ang Tangub sa Ozamis City, kung saan napatay si Mayor Reynaldo Parojinog at 14 na iba pa sa police raid noong Hulyo 30, 2017. Napatay din sa nasabing pagsalakay ang maybahay ng alkalde.
Matatandaang kabilang si Parojinog sa sinasabing narco-list ni Pangulong Duterte.
Samantala, sinabi kahapon ni Inday Sara na nabiktima siya ng mga hinihinalang online trolls nang makasama ang kanyang Facebook account sa mga inalis ng social media network giant.
Ito ang inihayag sa Facebook status ni Jefry Tupas, HNP media bureau coordinator, makaraang magreklamo si Inday Sara na hindi na nito mabuksan ang personal account nitong “Sara Zimmerman Duterte”.
“Did you know guys that Mayor Inday Sara Zimmerman Duterte is one of the casualties of the Facebook purge? She’s locked out after her account was heavily reported. Hindi nakapagtataka,” ani Tupas.
Sa unang bahagi ng linggong ito, mahigit 200 pro-Duterte Facebook pages ang inalis dahil sa “coordinated, inauthentic behavior”, at iniuugnay sa dating social media campaign manager ng Presidente na si Nic Gabunda.
-Ben R. Rosario