Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki habang sugatan ang dalawang iba pa sa pagsiklab ng apoy sa isang furniture shop sa Muntinlupa City, ngayong Huwebes.

Patuloy na kinikilala ng awtoridad ang nasawi, na na-trap sa furniture shop, at ang dalawang sugatan.
Sa inisyal na ulat ni Fire Supt. Rosete, ng Muntinlupa City Fire Department, sumiklab ang apoy sa PT Laurel, sa likod ng Lima De Mesa, Barangay Putatan sa nasabing lungsod, bandang 7:06 ng umaga.
Mabilis na kumalat ang apoy sa loob ng tindahan at hindi nakalabas ang biktima, na posibleng na-suffocate. Nagtamo naman ng mga paso sa katawan ang dalawa pang biktima habang inaapula ang apoy.
Agad na rumesponde ang mga bumbero at idineklara ang unang alarma, bago naapula sa ganap na 8:00 ng umaga.
Inaalam ng awtoridad ang sanhi ng sunog, gayundin ang kabuuang halaga natupok.
-Bella Gamotea