Arestado ang dalawang holdaper sa entrapment operation ng Mandaluyong City Police, nitong Miyerkules.

Kinasuhan ng Robbery at paglabag sa Batas Pambansa (BP) 6 in relation to BP 881 (Omnibus Election Code) sina Rodel Dalisay, 27; at Resty Ramirez, 28, matapos na ireklamo ng isang 18-anyos na estudyante.
Ayon sa biktima, hinoldap siya ng mga suspek sa P. Cruz, Barangay New Zaniga, Mandaluyong City, at tinangay ang kanyang pera at cell phone nitong Marso 31.
At nitong Miyerkules, dakong 6:30 ng gabi, nakatanggap ng text message ang complainant mula sa mga suspek, na nagsasabing isasauli nila ang cell phone ng biktima kapalit ng pakikipagtalik.
Agad na humingi ng tulong ang complainant sa Mandaluyong City Police, na nagkasa ng entrapment operation, at inaresto ang mga suspek sa Market Place, Bgy. Pagasa, Mandaluyong City.
Nang kapkapan, nakumpiskahan si Ramirez ng patalim.
Idiniretso sa presinto ang mga suspek.
-Mary Ann Santiago