Pangungunahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa 10 na prosecutor na kabilang sa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

"Once identified and there's scintilla of evidence, I myself will lead the investigation against them. That (involvement of prosecutors in illegal drug trade) is just unacceptable," pagdidiin ni Guevarra.
Ito ang tugon ni Guevarra sa naging pahayag ng PDEA nitong nakalipas na linggo na nagsasabing kabilang sa kanilang listahan ang mga nasabing prosecutor at 13 na huwes sa bansa.
Hindi muna ibinunyag ng PDEA ang pagkakakilanlan ng mga ito dahil nagsasagawa pa sila ng karagdagang validation sa usapin.
Tiniyak pa ng opisyal na makikipagpulong sila sa PDEA para sa isasagawang parallel investigation ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang NBI ay pinangangasiwaan ng DOJ.
Binigyang-diin nito, ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon ang ‘zero tolerance policy’ kapag nasasangkot sa iligal na droga ang mga opisyal ng pamaghalaan, partikular na sa DOJ na inatasang umusig sa mga drug suspect.
“PDEA and DOJ can do parallel investigations if PDEA is willing to share its initial intelligence information with us at this time," sabi pa ni Guevarra.
-Rey G. Panaligan