Ilan sa 31 celebrities na tinutugaygayan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency ang napaulat na nagpapasaklolo sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Ronald dela Rosa upang linisin ang kanilang pangalan.

ALBERT ALCAIN/Presidential Photo

ALBERT ALCAIN/Presidential Photo

Nangangamba umano ang mga hindi pa rin pinapangalanang celebrities na basta na lang sila ma-label bilang drug personalities, na makasisira sa kanilang pangalan at maglalagay sa alanganin sa kanilang kaligtasan.

Isang aktor, ayon sa PDEA, ang nagsabing nababahala siyang mawalan ng projects kapag naakusahan siyang sangkot sa droga.

National

PCO, kinumpirmang sina PBBM, FL Liza sumagot sa hospital bills ni Nora Aunor

Sinabi naman ng isa pang aktor na ang stigma ng pagkakadawit sa droga, kahit alegasyon lamang at hindi napatunayang totoo, ay maaaring panghabambuhay na.

“Hindi pa po sila nasa narco-list, kaya lang tinitingnan natin ngayon. Mahirap kasi minsan ‘yung ibang celebrities meron silang screen name at true name, so tinitingnan natin baka mamaya ‘yung pumasok doon sa narco-list true name, pero hindi natin kilala, ‘yun pala ‘yung artista,” sabi ni PDEA Chief Aaron Aquino.

Kilalang malapit na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte si dela Rosa, na nanguna sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang ng Presidente noong 2016.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na si Duterte ang magdedesisyon kung isasapubliko nito ang listahan ng mga artista na sinasabing sangkot sa droga, makaraang paboran ito ng PDEA at PNP.

“I guess the President will have to determine whether or not he will direct the release of the personalities named therein,” ani Panelo.

Matatandaang lumakas ang panawagan ng publiko na isapubliko ang pangalan ng mga celebrities na sangkot sa droga, matapos na pangalanan ni Duterte ang ilang umano’y narco-politicians.

-Chito A. Chavez at Argyll Cyrus B. Geducos