Hindi na isasama ang Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) sa idaraos na midterm elections sa Mayo 13, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ay kasunod na rin ng pagkakabuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isinagawang plebisito, nitong nakaraang Enero at Pebrero.
Sa inilabas na Comelec Resolution No. 10512, binanggit na “nilusaw” na ang mga puwestong regional governor, regional vice-governor, gayundin ang mga miyembro ng Regional Legislative Assembly sa ARMM bunsod na rin ng ratipikasyon ng Republic Act No. 11054 o ang Organic Law of the BARMM (OLBARMM).
Dahil dito, sinabi sa resolusyon na hindi na kailangan pang magkaroon ng halalan para sa mga nabanggit na puwesto.
Kaugnay nito, iniutos na rin ng Comelec na hatiin sa dalawang distritong pambatas ang Southern Leyte.
Saklaw ng unang distrito ang Maasin City, at mga munisipalidad na ng Macrohon, Padre Burgos, Limasawa, Malitbog, Tomas Oppus, at Bantoc.
Masasakupan naman ng ikalawang distrito ang mga bayan ng
Sogod, Libagon, Liloan, San Francisco, Pintuyan, San Ricardo, Saint Bernard, Anahawan, San Juan, Hinundayan, Hinunangan, at Silago.
Sa ngayon, aabot na sa 244 legislative districts ang nalikha sa bansa, bukod pa ang 61 party-list representative candidates na magtutunggali sa naturang halalan.
-Minka Klaudia S. Tiangco