Isang 9-anyos na babae ang iniulat na ginahasa ng anim na lalaki, kabilang ang kanyang tiyuhin at 17-anyos na pinsan, sa Argao, Cebu, nitong Martes ng gabi.

Apat sa anim na suspek ang kasalukuyang nakadetine sa police station ng bayan matapos ang follow-up operation, kabilang ang tiyuhin at pinsan, na kapwa hindi pinangalanan.

Kasama sa mga inaresto sina Calixto Aligato, 22; at Remond Emelda, 30, kapwa ng Barangay Quiot-Pardo sa Cebu City at nagtatrabaho bilang construction workers.

Habang tinutugis ang dalawa pang suspek, na kinilala lamang sa mga alyas na Jun at Pat.

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Unang nakatanggap ng report ang pulisya mula sa isang concerned citizen na may isang batang babae na kinaladkad ng ilang lalaki sa isang bakanteng lote sa Bgy. Talaga sa nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na nag-iisa ang biktima sa bahay nito nang biglang isama ng kanyang tiyuhin sa lugar na pinagtatrabahuhan nito.

Matapos na dalhin ang biktima sa lugar, kumuha pa umano ang tiyuhin ng ilang dahon ng saging kung saan inihiga ang biktima saka isa-isang hinalay ng mga suspek.

Tumigil lamang umano ang mga ito ng makitang dumudugo na ang maselang bahagi ng katawan ng biktima.

Sa pagbabahagi ni SPO1 Vivian Tamayo, ng Argao Women and Children Protection Desk (WCPD) investigator, sa BALITA, napag-alaman na hindi ito ang unang beses na inabuso ang biktima ng kanyang tiyuhin, na nagsimula noong nakaraang taon.

Alam din umano ng ina ng biktima na inabuso ang kanyang anak ng tiyuhin, pinsan at mga katrabaho nito ngunit sinabihan lamang nito ang mga suspek na idedemanda niya ang mga ito sa barangay kung maulit pa ang nangyari sa kanyang anak.

Ngunit nang kausapin ni Tamayo ang magulang ng biktima, itinanggi ng mga ito na ginahasa ang kanilang.

Ayon kay Tamayo, plano nilang magsampa ng hiwalay na kaso laban sa magulang ng biktima bilang paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrmination Act).

Samantala, bagamat inamin na dalawang beses niyang ginalaw ang pamangkin, itinanggi ng tiyuhin na siya ang nauna rito.

Iginiit pa ng tiyuhin na inaakit siya ng kanyang pamangkin sa pagbababa ng shorts nito tuwing magkakasama sila.

Itinanggi rin ng ibang suspek na pinagsamantalahan nila ang biktima.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng local social welfare office ng Argao ang biktima, at nakatakdang sumailalim sa trauma intervention.

-LESLEY CAMINADE-VESTIL