SA thanksgiving party ni Aiko Melendez kaugnay ng pagkakapanalo niya ng Best Supporting Actress awards para sa pagganap niya sa Rainbow Sunset, dumalo ang boyfriend niyang si Subic, Zambales Mayor Jay Khonghun.
Sa nasabing event din ay klinaro pareho nina Aiko at Mayor Jay na walang katotohanan at basehan ang pagkakasama ng alkalde sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinasabing may kinalaman sa pulitika ang issue, dahil kandidatong vice governor ng Zambales si Mayor Jay sa Mayo 13.
Ano nga ba ang mayroon sa Zambales, bakit mainit ang pulitika roon?“Actually hindi ko rin alam,” sabi ni Mayor Jay.
Pero humirit si Aiko: “Ako alam ko, kasi babae ang kalaban mo. He’s (Jay) always gentleman, ayaw niyang sagutin kaya ako, ako ang sasagot.
“Madam, ayokong banggitin ang name mo po, pero with due respect po, sana kung mayroon talaga kayong palataporma at proyekto sa tao, dapat sa caucuses o pa-meeting n’yo po, sana iyon po ang i-discuss n’yo po. Kung ano ang magagawa ninyong tulong sa Zambales bilang incumbent kayo po, ‘di ba?
“Pati ako nasasama na, nandiyan na ‘yung may skin disease ako, Madam huwag n’yo naman po ako tanggalan ng trabaho, mayroon po akong endorsement. Pekas po ito.
“Siguro tactic niya ‘yun para layuan ako ng tao para kasi tuwing dumarating ako sa Zambales, buong yakap at tinatanggap nila ako, siguro tactic nila para layuan ako, sana hindi ganu’n,” mahabang paliwanag ng aktres.
Laganap ba talaga ang drugs sa Zambales para iturong nasa listahan si Mayor Jay?
“Well, kasi since 15 years na ako in politics, ‘yung first term ko as mayor, 2010-2013 wala namang isyu, 2013-2016, walang isyu. So ginawa lang nilang isyu ‘to ngayong last term ko nang malaman nilang tatakbo ako sa Zambales as a vice governor kasi nu’ng una, sinasabi nila tatakbo ako ng governor, pero bandang huli napag-isipan naming vice governor muna,” kuwento ni Mayor Jay.
“Saka lumabas ‘yung mga isyu na ganyan and panahon ng eleksiyon so, part siguro ng politics ito kaya talagang sinasabihan kami ng ganyang akusasyon,” aniya pa.
Bakit nga ba inakusahang narco-politician si Mayor Jay, samantalang sa tatlong magkakasunod na taon ay kinilala ang Subic sa mahusay na pagpapatupad ng kampanya kontra droga?
“Bago pa ang isyung ito, Subic was awarded as the best implementer of Oplan Tokhang in Region 3. We are the first winner in Best Oplan Tokhang in support kay President Duterte, kaya nakakagulat biglang lumabas itong accusation na ito,” anang alkalde.
Aminado si Mayor Jay na nahihirapan siya sa lokasyon ng Subic.
“Una, katabi niya ‘yung SBMA (Subic Bay Metropolitan Authority), which is open port, eh. So alam naman natin kapag may port, nandiyan din ang mga illegal na gawain, although hindi ko under ang SBMA. Kasi may separate entity ‘yan. It is under the SMBA chairman and administrator.
“Siyempre nandoon lahat ‘yung mga pumapasok na kargamento which is hindi naman namin under. Tapos nasa amin din ‘yung Hanjin (Heavy Industries and Construction) which employs 30,000 na tao. So labas-pasok ang tao sa amin, every six months nagpapalit.
“Isipin mo from all over the country, iba’t ibang tao ‘yung nagpupunta sa amin every 6 months. Makikita mo ‘yung trabaho na ibang tao ‘yung papalit-palit at pasok at hindi mo alam kung tagasaan. So isa iyon sa difficulty ng pagma-manage ng bayan namin. Pero kaya naman talagang ginagawa namin ang lahat ng aming magagaawa para suportahan ang proyekto ni Presidente (Duterte).”
Nagpadala na raw ng paanyaya sina Aiko at Mayor Jay kay President Duterte para sa isang meeting, at hinihintay nila kung kailan sila mapagbibigyan nito.
“Just to hear our side and present also the evidences and we’ll still waiting for it at hindi kami maiinip maghintay,” say naman ni Aiko.
Nagpadala na rin si Aiko ng mensahe kay Davao City Mayor Sara Duterte para tulungan sila sa ama nito.
“Malakas ang loob namin kasi alam namin ang totoo at naniniwala kami na in the end, lalabas ang katotohanan, “ sabi pa ni Mayor Jay.
-REGGEE BONOAN