PINAYUHAN ang mga magsasaka ng palay sa Negros Occidental, na may mga pagkukunan ng tubig, ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) na magtanim ng mga alternatibong pananim sa gitna ng pagkatuyo ng mga lupain dahil sa El Niño.
Inihayag kahapon ni Dina Genzola, officer-in-charge ng OPA, na ang mga pananim, gaya ng mga gulay, ay puwedeng pagkunan ng alternatibong kita sa ngayon.
Sa kabilang banda, sinabi rin ni Genzola na pinigilan munang magtanim ang mga magsasakang may tuyot nang lupain dahil sa lumalalang dry spell.
“We issued a crop insurance advisory effective January this year. Since they have no source of water, they are directed to follow (the advisory),” aniya.
Dagdag pa ni Genzola, kapag nagpumilit silang magtanim, ang kanilang mga bukirin ay hindi saklaw ng insurance program.
“Proper timing is very important to ensure good yield,” anang OPA official.
Sa Negros Occidental ay mayroong 65,000 ektarya ng rice production areas. Tinatayang 40,000 ektarya lang ang tinutubigan habang 22,000 ektarya naman ang rain-fed o nauulanan. Ang nalalabing tatlong ektarya at nasa matataas na lugar.
Nitong nakaraang linggo, nakatanggap ang OPA ng notices of loss mula sa inisyal na 400 magsasaka na ang mga bukirin ay apektado ng tagtuyot.
Ang mga magsasakang ito ay naka-enroll sa Negros First Universal Crop Insurance Program (NFUCIP), na umano’y nagbibigay ng indemnity claims o insurance bilang solusyon para sa mga apektado ng kalamidad.
Sa pamamagitan ng NFUCIP, maaaring makatanggap ang mga magsasakang naka-enroll dito ng P17,000 claim kada ektarya ng napinsalang bukirin.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), halos lahat ng lalawigan sa Western Visayas ay makararanas ng dry spell at drought o tagtuyot sa susunod na buwan.
Nagaganap ang drought o tagtuyot kapag mas mababa sa normal rainfall condition (more than 60 percent reduction from average rainfall) ang nararanasan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Nararanasan naman ang dry spell kapag ang tatlong magkakasunod na consecutive buwan ay mas mababa sa normal rainfall condition (21-60 percent reduction from average rainfall).
Isa ang Negros Occidental sa 13 lalawigan na makararanas ng tagtuyot sa sa Visayas sa katapusan ng Abril.
PNA