Isa ang patay habang lima ang sugatan nang mahulog ang truck at closed van sa tulay sa South Luzon Expressway (SLEX) sa Muntinlupa City, nitong Biyernes.

SLEX_ONLINE

Binawian ng buhay ang pahinante ng truck na si Esmar Tolentino, nasa hustong gulang, dahil sa matinding pinsala sa katawan.

Nilalapatan naman ng lunas sa Ospital ng Muntinlupa ang driver ng truck na si Edsel Ardona, nasa hustong gulang; at ang apat na pasahero ng van.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa inisyal na ulat ng Southern Police District (SPD), naganap ang aksidente sa SLEX southbound sa tulay ng Soldiers Hill, Susana Heights, Barangay Putatan sa Muntinlupa City, bandang 6:35 ng umaga.

Sa imbestigasyon nina SPO1 Quijote at PO3 Reyes, ng Muntinlupa Traffic Bureau, galing ang truck, na kargado ng buhangin, sa Angono, Rizal at patungong Calamba, Laguna nang makaidlip umano si Ardona kaya nabangga ng ang nakaparadang van, na nasiraan sa lugar, hanggang sa kapwa nahulog sa tulay.

Natagalan ang rescuers sa pagkuha sa katawan ng pahinante nang maipit ito sa truck at gumamit na lamang ng malaking cutter upang maputol ang sasakyan.

Kinailangan din putulin ang mga puno na pinagbagsakan ng truck at van upang makaposisyon ang mga rescue unit sa lugar.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-Bella Gamotea