MATAPOS ang naitalang seven-game sweep sa first round, agad na sumadsad ang Far Eastern University nitong Miyerkoles sa pagsisimula ng second round sa kamay ng Ateneo de Manila University 31-29, 22-25, 25-23, 26-24, sa UAAP Season 81 men’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Dahil sa panalo, bukod sa nakabawi sa kabiguan nila noong first round, umangat din ang Blue Eagles sa 5-3 karta.
Konsolasyon na lamang ng Tamaraws sa kabila ng kabiguan, ang kanilang una sa walong laban ay ang pananatili nila sa ibabaw.
Bumida si Ron Medalla para sa Ateneo sa itinalang career high 32 puntos, kasunod si Tony Koyfman na may 21 puntos kabalikat ang setter nilang si Lawrence Magadia na nagtala ng 43 excellent sets.
Pinangunahan naman ni Jude Garcia ang natalong Tamaraws sa itinala nyang 19 puntos at 17 excellent receptions kasunod sina Richard Solis at Redijohn Paler na may tig-15 puntos.
Samantala, naiposte ng defending champion National University ang ikapitong sunod na panalo matapos pataubin ang Adamson University, 25-18, 25-18, 25-19, sa naunang laro.
Nagposte si Bryan Bagunas ng 26 puntos upang giyahan ang Bulldogs sa pag-angat sa leaderboard kasalo ng Tamaraws.
Bunga ng pagkatalo nalaglag naman ang Falcons sa patas na markang 4-4.
-Marivic Awitan