Tumirada si Clergy for Good Governance (CGG) convenor Fr. Robert Reyes sa tila pagprotekta umano ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) kay Sen. Rodante Marcoleta sa kinakaharap nitong plunder case.
Sa naging pahayag ni Reyes sa panayam sa kaniya ng media sa pagkakasa nila ng “Jericho Walk: Pilgrimage of Conscience” sa Diokno Boulevard sa labas ng Senado sa Pasay City nitong Sabado, Hulyo 4, 2026, kinuwestiyon niya ang tila pagpabor ng INC para kay Marcoleta at idiniin niyang dapat daw na humarap sa Korte ang senador kung para sa “accountability” raw talaga ang kanilang ipinaglalaban.
“Dapat makulong talaga siya. Bakit pinapaboran? Bakit kailangang mag-rally para protektahan siya? Kung accountability hinihingi ng Iglesia Ni Cristo, make Marcoleta face the Court, explain himself, and let his lawyers argue for him,” pagsisimula niya.
Ani Reyes, makakalaya naman daw si Marcoleta kung totoo raw na inosente ito ngunit kailangan naman daw na makulong ang senador kung mapapatunayan naman itong guilty sa plunder.
“Kung mapapatunayang inosente siya, hindi siya guilty sa plunder, then set him free. But if guilty, put him behind bars,” aniya.
Diin ni Reyes, hindi raw daw magbigay ang Senado o alinmang ahensya ng gobyerno ng “immunity” para sa iba pang mga kapuwa senador ni Marcoleta na sina Sen. Joel Villanueva at Sen. Chiz Escudero kung may kinakaharap na alegasyon ang mga nabanggit.
“Sunod-sunod na ‘yan, e. Pati si Joel dapat managot, si Chiz dapat managot, lahat po ‘yan. The Senate does not give them immunity. Dapat political office should not give anybody immunity,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Reyes, maghintay raw ang iba pang senador na nahaharap sa maraming alegasyon dahil kailangan din daw na makulong ang mga ito kung talagang guilty sila sa mga kasong idinidiin laban sa kanila.
“Hindi naman puwedeng sabay-sabay. Gugulo masyado. Symbolically if Marcoleta goes behind bars, maghintay ang ibang mga senador. Kung kayo ay guilty, you should also go behind bars,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang opisyal nang nagsampa ng plunder case ang Office of the Ombudsman noon ding Biyernes, Hulyo 3, laban kina Marcoleta, dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, at dalawang iba pa.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Let the facts and the law decide!' Ombudsman, may hanash sa kaso ni Sen. Marcoleta
KAUGNAY NA BALITA: Llamas, tumiradang walang dating si Sen. Marcoleta!