Tinanggal sa kasalukuyang puwesto ang pulis na namagitan sa isang raliyista at naipit na ride-hailing app driver sa malawakang kilos-protestang ginanap ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument, noong nakaraang Martes, Hunyo 30.
Batay sa pahayag ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Sabado, Hulyo 4, ipinag-utos ang pagsisibak sa kasalukuyang puwesto ng nasabing pulis upang i-reassign sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS), habang umaandar ang imbestigasyon sa nag-viral na video.
Sa pamamagitan ng aksyon na ito, nanindigan ang QCPD sa kanilang pananagutan habang pinaiiral ang due process sa pag-iimbestiga sa pangyayari sa likod ng tensyon sa rally.
“The immediate conduct of the investigation reflects the QCPD’s commitment to transparency, accountability, and due process. We will ensure that the investigation proceeds fairly, objectively, and in accordance with established legal and administrative procedures to determine the facts and any corresponding liability. We remain steadfast in upholding the rule of law while protecting the rights of all parties involved,” ani District Director PBGEN Randy Glenn Silvio.
Samantala, matatandaang sa nasabing viral video, balisa ang driver dahil sa umano’y pangungurot sa kaniya ng ilang raliyista at umano’y pagnanakaw ng susi ng kaniyang motor sa kasagsagan ng gitgitan sa People Power Monument.
Dito ay direkta siya binanatan ng banta ng isang raliyista, hindi alintana ang nasibak na pulis sa kanilang harapan.
“Wag ka nang magsalita. Gusto mo bang mamatay?” saad ng raliyista sa balisang driver.
Ang nasabing pulis, sinubukang mamagitan sa pamamagitan ng pagpapakalma sa driver upang bumaba ang tensyon at mapanatili ang kaligtasan sa kilos-protesta.
MAKI-BALITA: QCPD, iniimbestigahan pulis na sangkot sa nag-viral na tensyon sa INC rally