Pinaniniwalaang nagbibigay ng proteksiyon, kapangyarihan at iba pang uri ng suwerte, eeksena ang Pinoy anting-anting sa world stage sa pagtatampok dito sa isa sa pinakaprestihiyosong museo sa Paris—ang Musée du Quai Branly-Jacques Chirac.
Tinawag na “Anting-Anting: The Secret Soul of the Filipino”, ito na ang kalawang exhibit mula sa Pilipinas na itatampok sa Musée du Quai Branly sa nakalipas na anim na taon matapos ang tagumpay ng “Philippines: Archipelago of Exchanges” noong 2013.
Nitong nakaraang linggo, lumipad patungo sa kabisera ng Italy ang Pilipinong direktor, playwright at curator na si Floy Quintos, kasama ang visual artist na si Dino Dimar, upang dalhin ang koleksiyon ng mga anting-anting, na pinagmumulan umano ng lakas at kapangyarihan at isang prominenteng marka sa panahon ng Philippine Revolution.
“These objects are the product of a syncretic mix of animist, pre-colonial beliefs, popular Catholicism and cabbalistic and masonic traditions. As sources of strength and power, they were a prominent feature during the Philippine Revolution of 1898, as well as during millenarian and peasant revolts. They are still worn today by police officers, soldiers and members of secret cults as a means of protection,” pahayag ng Musée du Quai Branly-Jacques Chirac.
Dagdag pa nila, ang anting-anting na kapwa pisikal na bagay na kumakatawan sa isang kolektibong memorya, “reflect the history and influences that have shaped the Philippines and the Filipino people.”
Mga medalyon na gawa sa brass, copper, kahoy o buto, ang anting-anting ay natural na bagay na isinusuot malapit sa katawan, na pinaniniwalaang nagbibigay ng proteksiyon sa mga nagsusuot, tulad ng pagiging “invincible”—partikular mula sa tama ng bala—at nagbibigay ng kayamanan, pag-ibig at romansa.
Bukod sa itinatampok na makasaysayan at kultural na kahalagahan ng pisikal na mga bagay, itinatampok din sa exhibit ang mga larawan at maiikling videos na nagpapakita sa kahalagahan ng anting-anting sa mga Pilipino at sa ritwal na kaugnay nito.
Matatagpuan ang Musée du Quai Branly sa River Seine, sa paanan ng Eiffel Tower, na nagsusulong ng sining at sibilisasyon ng Africa, Asia, Oceania, at Amerika.
Binuksan nitong Marso 12, masisilayan ang “Anting-Anting” exhibition sa Musée du Quai Branly-Jacques Chirac hanggang sa Mayo 26, 2019.
-Roy C. Mabasa