MARSO 14 at kasagsagan ng kawalan ng supply ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila nang nag-post kami sa Facebook at Twitter para sa mga kandidato.
“Sa mga kumakandidatong pulitiko sakop ang Barangay San Roque ng QC na ang gusto ay pagsilbihan ang nasasakupan, ito po ang tamang panahon para magparasyon ng tubig! Maraming salamat po.”
Kinabukasan, Marso 15, ay kaagad namang nagpa-deliver ng tubig, gamit ang tangke, sa ilang barangay sa District 3 ang kumakandidatong konsehal na si Chuckie Antonio. Bagamat hindi kami nakinabang dito ay malaking bagay na ito para ikatuwa naming, dahil hindi man niya nabasa ang post namin ay nakita naming may kusang palo siya.
Siya pala ‘yung binabanggit sa amin ng ilang kapitbahay namin na madaling hingan ng tulong at maraming proyekto para sa mga kadistrito niya. Hindi namin siya personal na kilala.
Sakto naman na ipinakilala siya sa ilang miyembro ng media kamakailan at nalaman naming dati pala siyang miyembro ng Circle of 10. Ang guwapo ni Chuckie, leading man material at tiyak na sikat na sana siya ngayon kung nagtuloy siya sa showbiz, lalo’t maganda ang tindig at pananalita niya. Nagtapos siya sa Ateneo de Manila University, ng Bachelor of Science in Entrepreneurial Management sa University of Asia & the Pacific, at sa Singapore Management University naman siya nagtapos ng kanyang Master of Science in Management.
Iisa nga ang tanong ng media kay Chuckie, bakit hindi niya itinuloy pasukin ang showbiz?
“Mas gusto ko pong maglingkod sa kababayan, parang doon po ang calling ko,” nahihiyang sabi niya.
Pero sumubok naman daw siyang maging modelo.
“Before nag-try din akong mag-model, side thing ko lang dati. It’s important for me to help people.”
Hanggang sa inalam namin ang background ni Chuckie sa pulitika, at nalaman namin na matagal na pala siyang kagawad sa Barangay Ugong Norte.
“Matagal na po akong nasa pulitika, nine years na po. When I started ako po ang pinakabatang kagawad ng Quezon City. Eighteen years old lang ako noon sa District 3.
“Last term kagawad na po ako ngayon. Kaya tatakbo naman po ako bilang konsehal ng District 3 pa rin,” sambit ni Chuckie.
“Matagal na rin po na gusto kong mag-pursue ng high position specially being councilor. Siyempre, before anything else, para ma-experience ko po at para makatulong sa ibang barangay dito sa District 3.”
Walang partido si Chuckie kaya talagang todo-kayod siya para ipakilala ang sarili sa ilang barangay sa Distrito 3, at ang nakakatuwa ay maraming artista ang sumusuporta sa kanya, bagay na ipinagpapasalamat niya nang husto.
Bakit ayaw ni Chuckie nang may partido?
“Noong tumakbo po akong kagawad, wala po talaga akong partido kaya ngayon po, tuluy-tuloy pa rin. Kasi, opinyon ko lang po ito, mahirap po ‘pag may partido, kasi minsan may mga intriga o gusot sa kanila mahirap pong madamay. Kaya mas gusto ko na lang pong mag-isa.”
Aminado si Chuckie na may kaya ang pamilya nila, ang mga Antonio, mula sa pagsisikap na mapaunlad ang mga negosyo, kaya maski paano ay may pangtustos siya sa gastusin niya ngayong eleksiyon.
“Yes po, it’s a big factor po that my family din siguro ay may konting kaya para suportahan ako. Lalo na po ang parents ko, lagi po silang nasa tabi ko,” saad ng binata.
“I really want to help the community. I have a vision po kasi na I want to pursue and I want to be part of this generation. I want to show the people or youth na we can be active specially when it comes to government na kaya nating gumawa. We can make a difference. We can be a part of the development. Similar to our Southeast Asian neighbors.”
“I had this experience po kasi when I had my Masteral sa Singapore, Masters in Management with Specialization in Entrepreneurship and Innovation, na very active ang mga kabataan kahit pagdating sa business, government, different industries, technology. So roon ko nakita na parang bakit sa Philippines hindi natin ma-push ang ganoong klase ng development o ganoong klase ng participation mula sa kabataan?”
Anu-ano ang mga nakikita niyang problema sa 3rd District ng QC?
“Noong nagsimula ako ng pag-ikot sa mga barangay, we had 37 barangays in District 3, nagsimula ako last year para lang alamin ang mga problema ng mga barangay. So siyempre may mga problemang traditional like health, education, employment. Pero on my own, I want to add something, technology. Sa technology aspect.
“Siyempre naa-address pa rin ang mga problema (traditional) na iyon kasi bilang ‘yun ang majority eh, health, health centers, doctors, medicines. Pagdating sa education, first free, second quality. Third employment. Doon ako magpapasok ng sort of technological factor.
“Kasi at this moment gumagawa kami ng online job platform na magiging libre sa mga taga-Quezon City. Ilo-launch namin iyon within the next two weeks. This is something I am proud of. Mula sa mga ganitong idea nabi-bridge natin ang connection ng technology into the real world. So it gives us an actual thing na we can use rito sa Quezon City.
“It’s a free platform similar to JobStreet. It uses you tagging it, kaya nalalaman mo ang mga trabaho sa paligid mo. It’s called Jobbie. In my opinion there are a lot of talented youth. My aim is to provide opportunities for them to harness that skills.”
At dahil nga guwapo at pamilyar ang mukha kaya sa tuwing naglilibot ay alam na artista siya.
“Nagiging factor nga po siguro ‘yung pagkakaroon ng magandang hitsura pero hindi ko alam kung magta-transform iyon sa votes. Ang initial na tanggap sa akin ng tao maganda kasi unang-una hindi naman ako nagpapakita na mahirap akong makasalamuha. I’m very open to everyone. Siguro factor na rin ‘yung mayroon akong kaunting hitsura,” pag-amin niya sabay tawa.
“Maraming nagtatanong kung artista ako at saka sinasabi sa akin na dapat mag-artista ako, kasi ginugulo ko raw buhay ko. Sinasabi ko naman sa kanila na tanggap ko naman na ganoon ang structure ng politika sa Philippines and I don’t mind it. I have a bigger goal in my life. I’m standing for a bigger thing and it’s important for me to help people.”
As of now ay single si Chuckie at ang pagiging public servant muna ang prayoridad niya kaya wala siyang maipapakilalang girlfriend sa mga constituents at wala siyang muse.
Pero hindi niya itinago na type niya si Kim Chiu, matapos siyang kulitin kung sino ang crush niya sa showbiz. Aminado siyang mahilig sa chinita.
-Reggee Bonoan