Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Central Visayas ang isang binatilyo na suspek sa brutal na pagpatay sa 16-anyos na binalatan ang mukha sa Lapu-Lapu City, nitong Sabado ng gabi.
Sa report ng NBI, ang naturang suspek na hindi na ibinunyag ang pagkakakilanlan dahil ito ay menor de edad, ay dinakip nitong Sabado ng gabi.
Sa pahayag ni NBI Regional Director, Atty. Tomas Enrile, ang suspek ay isinasangkot sa karumal-dumal na pagpaslang kay Christine Lee Silawan, nitong Marso 10.
Natunton ang suspek base sa ilang ebidensiya, katulad ng palitan nila ng text messages ni Silawan at security footages.
“Yes, totoo po ‘yun na nahuli na ‘yung suspect sa pagpatay kay Christine Silawan,” pagkukumpirma ni Enrile at sinabi pang hindi itinanggi ng suspek ang krimen.
Ginawa umano ng suspek ang krimen dahil sa selos, ayon kay Enrile.
Si Silawan, isang estudyante ng Maribago High School, ay natagpuang patay sa Lapu-Lapu City, nitong Marso 11 ng madaling araw.
Kaugnay nito, sinabi ng mga awtoridad na hindi sangkot si Jonas Bueno sa karumal-dumal na pamamaslang kay Silawan.
Ito ang paglilinaw ni Police Regional Office (PRO)-Region 11 director, Chief Supt. Marcelo Morales.
Inilabas ni Morales ang pahayag matapos isailalim si Bueno sa masusing imbestigasyon sa kaso.
"He has been in Mindanao since last year so he is not involved in the Silawan murder case and that was his answer during the interview," aniya.
-Beth Camia at Junar Fenequito