Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang lalaki na ikinokonsiderang “person-of-interest” makaraang matukoy na ito ang huling ka-text ni Christine Silawan bago siya natagpuang patay sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Senior Supt. Bernard Banac na malaking tulong sa imbestigasyon ang bagong lead na nadiskubre ng pulisya.
Aniya, hindi muna isasapubliko ang pagkakilanlan ng lalaking huling ka-text ni Silawan ilang oras bago nabunyag ang karumal-dumal na krimen.
“According to the SITG (Special Investigation Task Group), a cell phone was recovered from one of the victim's relatives. There were conversations found in the cell phone that gave the investigators some leads,” sabi ni Banac.
Ang cell phone ay sa kamag-anak ng biktima, at posibleng hiniram nito bago umalis ng bahay, at naka-save pa ang pag-uusap ng dalawa.
SINO SI JONAS BUENO?
Nauna nang sinabi ni Lapu-Lapu City Police chief, Senior Supt. Lenuel Obon na patuloy pa nilang pinaghahanap ang tatlong hinihinalang may kinalaman sa krimen.
Nilinaw din ni Obon na “fake news” ang iniulat online ng isang media outlet makaraang maglathala ito ng litrato ng umano’y person-on-interest sa kaso.
Sinabi ni Obon na ang nasa litrato ay si Jonas Bueno, bagamat hindi niya kinumpirma o itinanggi na may kinalaman ito sa pagpatay kay Silawan.
“We have yet to release or divulge the identity of any suspect because we don’t want to comprise our operations. We are still pursuing the perpetrators. If there's someone who should release information regarding the identity of the suspects, it should be me,” sabi ni Obon.
Huwebes ng gabi nang kumalat sa Internet ang litrato ni Bueno, na kasama ang mga kapatid na sina Junrey at Juvy ay akusado sa pagpatay kay Trinidad Batucan, 60, sa Danao City nitong Enero 11, 2019.
Sa operasyon ng pulisya nitong Enero 13, napatay sina Juvy at Junrey, habang hindi pa naaaresto si Jonas.
Bukod sa pagpatay kay Batucan, binalatan umano ng magkakapatid ang mukha nito at inalisan ng puso.
Hindi pa makumpirma ni Obon kung magkaugnay ang pamamaslang kina Batucan at Silawan.
HINDI NI-RAPE
Samantala, natukoy sa awtopsiya na hindi ginahasa si Silawan, na natagpuang walang saplot pang-ibaba, binalatan ang mukha, walang dila, esophagus, at trachea, sa bakanteng lote sa Barangay Bangkal, nitong Lunes ng madaling araw.
Itinaas na rin ng pulisya sa P2 milyon ang pabuya sa ikaaaresto ng mga pumaslang kay Silawan.
-Martin A. Sadongdong at Calvin D. Cordova