Kulong ang isang driver nang tangayin at ibenta nito ang sasakyan ng kanyang amo, at dinakip din ang bumili nito, sa Valenzuela City, ngayong Huwebes.
Nahaharap sa paglabag sa New Anti-Carnapping Law of 2016 si Rudy Lamberte, 36, ng Pabaya Street, Barangay Mapulang Lupa sa nasabing lungsod.
Nahaharap naman sa paglabag sa Anti-Fencing Law ang bumili ng sasakyan na si Manases Palisoc, 43, ng Block 12, Aus Code, Del Mundo St., Bgy. Ugong, Valenzuela City.
Sa ulat, nadiskubre ni Chasper Chang, nasa hustong gulang, na nawawala ang sasakyan ng kanyang ama sa kanilang garahe sa Pabaya St., Bgy. Mapulang Lupa, bandang 7:00 ng umaga.
Tinanong umano ni Chasper ang kanilang sekretarya, si Ma. Jaryl Crestyl Mercader, 26, kung sino ang gumamit, at napag-alaman na hindi ito inuwi ni Lamberte.
Dahil dito, nag-report si Chasper sa Mapulang Lupa PCP, at pinuntahan sa bahay ang kanilang driver, ngunit wala roon ang sasakyan.
Sa interogasyon, inamin na Lamberte na ibinenenta niya kay Palisoc ang sasakyan dahil sa kagipitan.
Pinuntahan nila ang bahay ni Palisoc at nakita ang sasakyan, at kapwa dinala sina Lamberte at Palisoc sa presinto.
-Orly L. Barcala